Paurong na Pag-unlad ng Transportasyon

Mata Online
NI
NINA
Therese Catapang
AT
Enero 1, 2023

Maaaring gumaan na ang bagaheng dala-dala ng mga estudyante sa unti-unting pagbubukas ng mga paaralan ngunit ibang pasanin naman ngayon ang kinahaharap ng karamihan partikular sa mga nakatira sa Metro Manila dulot ng krisis sa transportasyon. Dahil sa trapiko, ang dapat na 30-minutong biyahe ay nagiging doble o triple araw-araw. Kapag naman nagkaroon ng aberya sa MRT o LRT, maantala ang biyahe ng ilang oras kaya maraming pasahero ang nagkukumahog na humanap ng ibang masasakyan tulad ng taxi kahit masakit ito sa bulsa. Kulang na rin ang mga bus na pumapasada kaya palaging mahaba ang pila sa EDSA Carousel kung saan sobrang siksikan ang mga komyuter na nagtitiis sa init at ingay makarating lamang sa kanilang destinasyon. 

Hindi na bago ang problemang ito dahil kahit noong wala pang pandemya, malala na rin ang lagay ng pampublikong transportasyon sa bansa. Ngayon, halos walang pinagbago ito at patuloy lamang na nagiging pasakit sa lahat dahil sa hindi makataong sistema sa Kamaynilaan.

Mabigat na suliranin ang dulot para sa lahat ng malalang transportasyon sa Kamaynilaan. Ngunit ang higit na pumapasan ng mas mabigat na kalbaryo ay ang mga komyuter na araw-araw nabibilad sa araw, nagtitiis sa siksikang bus at jeep at mahahabang pila. Noong taong 2017, limang daan (500) beses nasira o nagkaproblema sa operasyon ang MRT3. Nitong nakaraang taon din, 3,600 na pasahero ang naapektuhan nang sinuspinde ang operasyon sa MRT3 matapos ang Undas. Marami ring beses na hindi na nababalita ang biglaang pagtigil sa biyahe ng MRT dahil sa kadalasan nito. 

Samantala, kahit libre ang pamasahe sa bus ng EDSA Carousel noong nakaraang taon, umalma ang maraming mga pasahero dahil sa kakulangan nitong masustentuhan ang dami ng komyuter araw-araw. Bagaman may mga taxi, Grab, at Angkas, hindi praktikal at abot-kaya ang presyo nito para sa pang-araw-araw na pagbabaybay ng kahabaan ng Kamaynilaan. Sa 570 pisong minimum wage sa Metro Manila, kung susubok pa silang mag-grab, taxi, o Angkas nang balikan, wala nang matitira sa kanilang sahod araw-araw. 

Isa ring problema sa pampublikong transportasyon ang magkakalayong terminal tulad ng nasa Katipunan (e.g. Jeep terminal, LRT) na binabaybay araw-araw ng mga komyuter. Kapag mag-aabang ng jeep sa may harap ng ADMU o Mirriam College, kadalasan puno na ito kaya mas mainam na pumunta mismo sa terminal ng jeep kung kaya mong tiisin ang init, usok, at ingay ng mga rumaratsadang sasakyan para lamang makatipid sa halip na magtraysikel pa. Gayundin kapag papunta sa LRT station, pahabaan na lang siguro ng pasensiya sa 10-15 minutong lakarin sa halip na sumakay pa ng traysikel na aabot sa 50 pesos kada isang pasada o higit pa kung malayo ang panggagalingan. 

Iba ring usapin ang pinagdadaanan ng mga biker at pedestrian dahil walang maayos na bike lane at ligtas na lakaran. Ayon sa datos ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) noong 2021, 2,087 na aksidenteng kinabilangan ng mga pedestrian ang nangyari habang 104 katao ang namatay mula dito. Ito na ang may pinakamataas na bilang ng mga namatay na pumalo sa 27.01% porsiyento ng kabuuang mga nasawi sa mga disgrasya sa kalsada. Base rin sa parehong sanggunian, 2,397 na bicycle-related road accidents ang nangyari noong 2021 kung saan Quezon City ang may pinakamataas na bilang na umabot sa 586. 

Tulad ng maraming siyudad sa Kamaynilaan, isa ang Quezon City, partikular sa Katipunan, na walang maayos na sidewalk at bike lane. Maraming mga imprastraktura ang nakapaligid at magkakalapit sa kahabaan ng Katipunan na idinisenyo upang makaakit ng mga tao. Subalit kahit napakalapit ng mga kainan at pasyalan sa isa’t isa, napakahirap maglakad dahil baku-bako at makikitid ang mga daan. Dobleng hirap din kung babaybayin ito habang tirik ang araw kaya’t mas ginugusto na lamang ng iba na sumakay sa traysikel o taxi kung swak sa badyet. 

 

Bukod sa hindi maayos na kalsada, isa ang “car-centric transportation” sa mga matinding dahilan kung bakit palpak ang sistema ng transportasyon sa Kamaynilaan. Ayon sa datos na nakalap ng Japan International Cooperation Agency (JICA) noong 2014, 70% ng populasyon ng Kamaynilaan ang gumagamit ng pampublikong transportasyon ngunit 22% lamang ng road space ang kanilang sakop, habang 30% naman ang gumagamit ng pribadong sasakyan, ngunit 78% ng road space ang kanilang ginagamit. Bagaman may coding o car restrictions upang maibsan ang trapiko, hindi ito epektibo dahil may mga mayayamang kayang-kaya bumili ng isa pang sasakyan o higit pa para lamang makabiyahe araw-araw. 

Sa kabila nito, hindi pa rin dapat isisi sa mga may sasakyan ang krisis sa transportasyon dahil lahat naman ng tao, kung may kakayahang bumili ng sariling sasakyan, sino bang titiisin na lamang ang pasakit na dala ng pagkokomyut? Mas madaling magtiis sa trapik nang presko at naka-aircon kaysa sa sobrang init at siksikan na pampublikong transportasyon. 

Bagaman hindi tanging responsibilidad ng mga gumagamit ng sasakyan ang trapiko, isa sa mga maituturing na may pananagutan pa rin ay ang mga institusyon tulad ng mga mayayamang pribadong paaralan na may malaking populasyong gumagamit ng sasakyan na nagdudulot ng malalang trapiko araw-araw. Nasa kanilang pagpapasya kung paano tutugunan ang problemang iyon upang kahit papaano ay maibsan ang trapiko. Subalit ang kalutasan nito ay nakasalalay pa rin sa sistematikong solusyon na dapat pinangungunahan ng mga sangkot na awtoridad lalo na ng gobyerno. 

Kailangan ng maiging pagpapabuti sa pampublikong transportasyon ng Kamaynilaan upang mabigyang-katwiran ang pagkakaroon ng car restriction (e.g. coding). Napakarami nang mga polisiya na nilalayong paunlarin ang pampublikong transportasyon at magtayo ng mas ligtas na bike lane at sidewalk, subalit hindi pa rin ito naisasakatuparan. Kailangang aksyunan na ito agad para sa ikagiginhawa ng mga mamamayan na araw-araw humaharap sa kalbaryong dulot ng palpak na sistema ng transportasyon. 

Maraming probinsya tulad ng Cebu City at Bacolod City ang sumusunod sa paurong na pag-unlad ng transportasyon sa Kamaynilaan kaya’t importante na hangga’t may pagkakataon pang maisaayos ang sistema, nararapat na agad itong gawin upang hindi tuluyang lumubog ang bansa sa lumalalang krisis na kinahaharap  ng sektor ng transportasyon sa ngayon.

IBa pang artikulo