Naging maingay na usapin ang nangyaring pagsumite ng certificate of candidacy (CoC) noong ika-1 hanggang ika-8 ng Oktubre para sa paparating na Halalan 2025. Ito ay dahil sa pagpahayag ng kandidatura ng mga artista at mga personalidad sa labas ng politika tulad nina Willie Revillame at Ion Perez, kasabay ng mga sumikat na indibidwal sa social media na sina Diwata at Rosmar; pagpasok at pagbabalik ng mga miyembro ng mga dinastiya sa pagtakbo ni Luis Manzano kasama ng kanyang inang si Vilma Santos sa Batangas; at pagsisimula ng premature campaigning gamit ang mga patalastas at mga karatula sa kalsada. Dulot ng mga isyung ito, kinukwestiyon ang kasalukuyang sistema at mga polisiya sa pagtakbo para sa posisyon sa gobyerno, na siyang nakaaapekto sa pag-asa sa kapangyarihan ng pagboto.
Una, mas mahigpit pa ang hinihinging rekisito para sa mga ordinaryong manggagawa ng mga kumpanya na may bakante sa trabaho kaysa mga nais tumakbo sa pamahalaan. Ayon sa 1987 Konstitusyon at Local Government Code, maaaring makapaghain ng kandidatura para sa posisyon ng pagka-alkalde at pataas pa ang sinumang natural na tubong Pilipino, may edad na hindi bababa sa 21 taong gulang at pataas (depende sa posisyon), nakatira sa lugar na nais niyang pagsilbihan nang hindi bababa sa isang taon (at higit pa para sa mas mataas na posisyon), at marunong magsulat at magbasa. Kung titingnan naman ang kadalasang kahingian para sa ibang trabaho: kailangang nakatungtong ng sekondaryang antas o hindi kaya’y nakapagtapos ng kolehiyo. Bukod pa rito, mahalaga rin ang mga kaugnay na karanasan sa trabahoat katibayan mula sa National Bureau of Investigation (NBI) na wala itong kinakaharap na kaso o krimen.
Marahil pasok naman nga ang mga artista sa hinihingi ng Commission on Elections (Comelec), subalit ang posisyon sa gobyerno ay isa rin namang trabahong kailangang paghandaan. Kung ang mga manggagawang Pilipino ay dumadaan sa pagsasanay o paghahanda bago sumabak sa trabaho, mahalaga rin iyon sa pagiging kawani ng gobyerno kung saan maraming buhay at kabuhayan ang nakasalalay. Isa ring kabalintunaan na hindi ipinagbabawal ang pagtakbo ng mga may matinding kaso tulad ni Pastor Apollo Quiboloy na kasama sa mga kwalipikadong kandidato para sa pagkasenador kahit pa siya ay nasa “Most Wanted List” ng Federal Bureau of Investigation (FBI) ng Estados Unidos dahil sa mga kaso ng sex trafficking at money laundering. Madali lang sa mga makapangyarihan ang pagtakbo sa isang posisyon sa gobyerno, habang ang mga ordinaryong Pilipino, kailangang kumuha pa ng NBI clearance upang mapatunayan ang kanilang magandang asal at pag-uugali.
Sa kabilang banda, ang rason daw kung bakit ganito ang mga rekisito para tumakbo ay upang magkaroon ng karapatan ang mas nakararami na kumandidato at magsilbi sa pamahalaan. Makatwiran naman ang dahilan na ito, dahil nararapat na magkaroon ng representasyon ang bawat sektor ng lipunan, ano man ang estado sa buhay. Subalit iyon ay ayon sa ideyal na realidad, dahil sa huli, ang nananalo pa rin naman ay ang mga galing sa mayayamang pamilya, at hindi ang mga magsasaka, mangingisda, at iba pang mga manggagawa na bagaman kwalipikadong tumakbo ay wala namang makinarya upang makakuha ng upuan sa gobyerno. Ang mas masakit pa, ang mga pangkaraniwang mamamayan pa ang palaging may posibilidad na mabansagan bilang nuisance candidate o kandidatong panggulo lamang sa halalan. Sa madaling salita, tunay na nakapagbibigay ng oportunidad ang mga kwalipikasyong ito para sa lahat subalit, nagsisilbi rin itong tulay upang maikubli ang katotohanan na ang demokrasya ng bansa ay kontrolado ng mga makapangyarihan.
Isa pa sa mga isyu na nakapalibot sa kandidatura sa eleksyon ang pagpapatupad ng mga polisiyang naglalayong gawing patas para sa lahat ang pangangampanya. Una, sa COMELEC, bawal ang “premature campaigning” o maagang pangangampanya. Sapagkat kung titingnan nga naman, mas malaki ang tyansa na may mga politikong maiisip ang isang mamamayan kapag narinig ang terminong ito dahil bago pa ang Oktubre, naglipana na ang mga karatula sa mga kalsada at mga patalastas sa telebisyon ng mga nagpaparamdam na pulitiko. Gayunpaman, naging butas ng mga pulitiko ang naging hatol ng Korte Suprema sa Penera vs. Comelec noong 2009, kung saan idineklara nitong ganap na kandidato ang mga tumatakbo sa halalan sa loob lamang ng nakatakdang opisyal na panahon ng pangangampanya. Ibig sabihin nito, hindi sila mahahabol ng Comelec para sa maagang pangangampanya kahit ano pang gawin nila habang hindi pa sila kandidato ngayon. Kung iisipin, ang polisiya na ito ay nagbibigay-daan lamang din upang mas magkaroon pa ng maagang pangangampanya. Isa pa, bagaman nakasaad sa Konstitusyon ang pagkilala sa political dynasty at ang nararapat na pagbabawal nito, wala pang naipapasang batas para dito kaya malaya pa rin ang mga magkakapamilyang tumakbo nang sabay-sabay. At sa huli, ang isa pang halimbawa ng hindi maayos na pagpapatupad ng polisiya ay ang pagtakbo at pagkakaluklok ni Alice Guo bilang alkalde ng Bamban, Tarlac. Ngayong taon lamang naimbestigahan ng Senado na di umano’y peke ang mga dokumentong nagpapatunay na siya’y Pilipino kahit na ito ay isa sa kahingian para maging kandidato. Malinaw na kung hindi man maluwag ang mata ng batas sa mga pulitikong umaabuso sa sistema ng halalan sa bansa, mayroon ding higit pang kakulangan sa mga polisiyang magsisiguro rin sanang totoo ang pagpapatunay ng mga kandidato na sila ay kwalipikadong tumakbo.
Masasabing ang mga nabanggit ay pagdungis sa karapatang pumili ng mga tao dahil mas nakikilala ang mga may pera kaysa sa mga ordinaryong mamamayan na gustong magsilbi sa bayan at marahil mas kumakatawan pa sa mga sektor ng lipunan. Kaya naman, hindi rin maaaring sisihin ang mga botante kung mga political dynasty ang naluluklok kung iyon lamang ang kanilang pagpipilian.
Samakatuwid, makatwiran man ang mga kritisismo sa sistema ng pagkandidato sa bansa, sa huli, nakabatay pa rin ang mga ito sa kung ano ang nakasulat sa Konstitusyon at umiiral na batas. Kaya naman, ito ang kailangang pagtuunan ng pansin na baguhin at siguruhing naipatutupad ito nang husto. Subalit ang mapait na katotohanan, ang makapagbabago lamang sa mga ito ay ang mga mismong taong nakikinabang sa kasalukuyang estado ng pagtakbo para mamahala sa gobyerno. Ngunit, hindi ibig sabihin nito na dapat na lang tayong masanay at mawalan ng pakialam sa malinaw na kabuktutan at pambabalahurang ito sa sistema ng pulitika sa bansa. Mahalaga pa rin na magkaroon ng pag-asa para sa bansa dahil makakikilos lamang ang tao kung alam niya kung ano ba ang pinapangarap niyang kahihinatnan. O kung hahanapin man natin ang mala-bayaning mga lider, sana makabuo muna tayo ng lipunan na hindi pinapatakbo ng pera, korapsyon at kasinungalingan — dahil walang magiging bayani kung wala namang bayan.