Press Coverage: Talakayang Dude, Pare, Change ng 1Sambayan para sa Pagsasanib Pwersa ng Ateneo at La Salle sa Halalan 2022

Matalita
NI
NINA
Katrina Llorente
AT
Agosto 30, 2021

Isang talakayang pinamagatang Dude, Pare, Change: The 1Sambayan Ateneo-La Salle Joint Launch ang isinagawa noong Agosto 25, 2021 kasama ang unang dalawang sangay ng 1Sambayan upang hikayatin ang mga kabataang makilahok sa paparating na eleksyon sa 2022. Sa pamumuno ng mga Paaralang De La Salle at Ateneo, binigyang plataporma ang ilang mga kinikilalang personalidad at opisyal ng gobyerno upang maihayag ang kanilang mga adbokasiya at opinyon kasabay ng pagsagot nila sa mga katanungang inihanda ng dalawang kinatawan ng mga paaralan. Bago ito, may mga mensahe ring ibinahagi galing kay VP Leni Robredo, Sen. Risa Hontiveros, at Atty. Chel Diokno. Hinihikayat nila ang mga kabataan na maging aktibo sa darating na eleksyon at manguna sa pagkampanya ng mga politikong tunay na may puso para sa bayan. Kasunod nito, sinimulan ang talakayan kasama ang mga panauhin na sina G. Rae Reposar, Former Justice Antonio Carpio, Dating Senador Bam Aquino, at Gobernadora Kaka Bag-ao.

Ilan sa mga tumatak na pahayag ng mga panauhin ay ang kolektibong kaisipang ‘ang mga kabataan ang magdidikta ng magiging resulta sa darating na eleksyon’. Dahil sa paglipat ng lahat sa online na plataporma, sinasabing ang mga kabataan ang pinakamaalam sa mga umuusbong na makabagong paraang maaaring gamitin sa pangangampanya. Bagaman hinihikayat nila ang mga kabataan na lumaban para sa mas makatarungang pamamahala, kinikilala rin nila ang panganib na dala nito sapagkat hindi maipagkakaila ang pang-aagrabyado ng gobyerno sa mga pumupuna at hindi sumasang-ayon sa kanila. Ayon kay Dating Senador Bam Aquino, “Walang laban na mahalaga, matindi, [at] karapat dapat na walang tumaya… Kinakailangan nating tumindig at kinakailangan nating lumahok.” Bukod pa rito, pinapaalala rin niyang may mga institusyon at mga awtoridad pa ring magpoprotekta sa mga kabataan sa mga panahong may gigipit at mananakot sa kanila. Dagdag pa rito, sinabi rin ni Gobernadora Kaka Bag-ao na mahalagang maging organisado at gamitin ang lakas ng marami sa pagtindig. Pinaalala rin niyang mahalagang malinaw din sa lahat na hindi tayo nag-iisa sa pakikipaglaban.

Sa usapin naman tungkol sa pagpapalawig pa ng kampanya ng 1Sambayan bukod pa sa mga sangay ng La Salle at Ateneo, siniguro ni G. Rae Reposar na may tiyak na planong tatahakin ang kanilang kampanya tungo sa iba pang mga paaralan sa buong bansa. Kasunod nito, pinaalalahanan niya ang mga mag-aaral ng La Salle at Ateneo na laging tiyakin at kilalanin ang kanilang pribilehiyo. Sa kaniyang mga salita, “We have to accept and acknowledge our privileges kasi if we don’t acknowledge it, we’re just continuing to contribute to the growing inequalities in our country… but also, we want to deliver a point across na because you’re growing and you benefit from this inequality, may social responsibility ka to also deliver and make it easier for other people. Kung ano ‘yung comfort na tinatamasa mo bilang Atenista, bilang La Sallista, siguro it is justified that you make people experience the same level of comfort that you experienced being an Atenean or being a La Sallian.” (Kailangan nating tanggapin at kilalanin ang ating mga pribilehiyo dahil kung hindi, ipinagpapatuloy lamang natin ang pag-ambag sa lumalaking hindi pagkakapantay-pantay sa ating bansa… ngunit gusto rin nating ipahatid ang puntong, dahil lumalago at nakikinabang tayo sa hindi pagkakapantay-pantay na ito, mayroon tayong responsibilidad na ihatid ito at gawing mas madali ang karanasan ng ating kapwa. Kung ano ang ginhawang tinatamasa mo bilang Atenista, bilang Lasalyano, siguro ay makatwiran lamang na iparanas din sa iba ang parehas na ginhawang iyong naranasan bilang isang Atenista o bilang isang Lasalyano.)

Hindi rin bago ang isyu sa pagkakaiba ng mga mas nakatatandang henerasyon at mga kabataan. Kaya naman sa usapin sa paghahanap ng kompromiso, sinabi ni Gobernadora Kaka Bag-ao na, “When you hit rock bottom, there is no middle… pag nasa babang baba ka wala kang ibang choice kung hindi umakyat, kung hindi magtulak ng demokrasya, magtulak ng respeto, pumili ng tamang lider, magparehistrong bumoto… walang hahanaping gitna kapag lagpak na lagpak ka na sa lipunang ito.” Sinang-ayunan ito ni Former Justice Carpio at sinabing ito na ang “worst contraction” ng ating ekonomiya mula pa noong Ikalawang Digmaan. Dagdag niya pa, “We really have to come together as a nation and decide to elect the best leaders that we can elect. We cannot continue with this kind of leadership…This 2022 election is very crucial. We have to elect the right leaders, otherwise it will be very bad for the youth because they will have no jobs, education will suffer, and we will be left behind by our neighbors.” (Kinakailangan nating magkaisa bilang isang bayan at magpasyang ihalal ang pinakamabuting lider na kaya nating ihalal. Hindi na tayo pwedeng magpatuloy sa ganitong klase ng pamamahala… Ang paparating na eleksyon sa 2022 ay napakahalaga. Kailangan nating ihalal ang mga tamang lider, kung hindi ay magiging masama ito para sa mga kabataan dahil mawawalan sila ng mga trabaho, maghihirap ang sektor ng edukasyon, at mapag-iiwanan tayo ng ating mga karatig bayan.)

Sa pagtatapos ng pangyayari, naghatid ng pangwakas na pahayag si Fr. Albert Alejo. Binigyang-diin niya na kaya nang manindigan at maging responsable ng mga kabataan, at bilang bahagi ng lipunan, mayroong responsibilidad ang mga kabataang makilahok at makibahagi sa mga kaganapan nito.

Sa papalapit na eleksyon sa 2022, tinatawagan ang mga kabataang maging aktibo sa pangangampanya ng mga lider na tiyak na naninindigan sa isang makatarungang lipunan. Ngunit dapat ding tandaang hindi lamang ang mga kabataan ang susi sa pagbabago ng mapang-aping sistemang kasalukuyang nananaig sa bansa. Kinakailangan ding magkaisa ng lahat bilang isang bayan upang maihatid sa mga mamamayan ang maayos at marangal na buhay na karapat dapat nilang matamasa.

IBa pang artikulo