Sa Agos ng Kapangyarihan: Ang Privatization ng Tubig at Kuryente

Mata Online
NI
NINA
Jean Mangaluz
AT
Kevin Castro
Mayo 20, 2020

Matagal nang isyu sa bansa natin ang pagiging pribado (“privatization”) ng mga iba’t ibang pasilidad katulad ng tubig at kuryente. Sa bawat pagtaas ng presyo ng mga pangangailangang ito, kaakibat ang pagtaas ng gastusin ng mga gumagamit nito. Kamakailan lamang, nagbanta ang Manila Water ng pagtaas ng presyo nang 780%. Ayon sa ulat ni Louise Maureen Simeon ng Philippine Star, dahil ito sa patong-patong na multa na pinataw ng Korte Suprema sa kumpanya dahil sa hindi pagsunod sa mga batas pangkalikasan. Nakapagtataka kung bakit nahuhulog sa mga mamamayan na saluhin ang ganitong gastusin, lalong-lalo dahil wala naman silang kinalaman sa hindi pagsunod ng Manila Water sa batas. Isa lamang ito sa mga halimbawa ng problema ng privatization sa bansa.

Ayon kay Anne Lan Candelaria, isang propesor ng Public Management sa Pamantasang Ateneo de Manila, isang paraan ang privatization upang maihatid ang iilang mga serbisyo at produkto sa mga mamamayan. Aniya, nakabase ito sa perspektibong pang-ekonomiya na nagsasabing mas mabisa ito at mas makakamura. Ngunit, sinabi rin ni Candelaria na gagawin lamang ito kapag nagawa na ng gobyerno ang tamang pananaliksik at nakitang privatization nga ang pinaka-epektibong paraan para sa isang produkto o serbisyo. Ayon sa kanya, sa pag-privatize, nagkakaroon ng pagkakataon ang iba’t-ibang kumpanya upang makipagkompetensiya sa isa’t-isa. Sa ganoong paraan, magpapababaan ng presyo at nagpapagandahan ng serbisyo ang mga kumpanya.

Ngunit bakit tila walang lumalabas na pangalan maliban sa Meralco, Maynilad, o Manila Water? Sa dami ng iba’t-ibang kontrobersiya, marami na ang tumututol sa ganitong sistema kung saan napakalaki ang kontrol ng mga pribadong kumpanya sa mga pang araw-araw na pangangailangan ng mga tao. Wala na talaga silang maaaring puntahan na iba dahil naging monopolyo na ito ng iisang kumpanya. Ayon kay Victor Venida, isang propesor ng ekonomika sa Pamantasang Ateneo de Manila, ang tawag sa ganitong pamamalakad ay natural monopoly o likas na monopolyo.

Mayroong mga uri ng mga negosyo na sa oras pasukan ng isang kumpanya, mapapasakanila na ito. Ginawang halimbawa ni Venida ang kuryente. Sa pagtayo ng mga poste at sa pagkabit ng mga kawad, napakahirap nitong palitan o pasukan ng tunay na kumpetisyon. Hindi maaaring pinili mo yung isang tatak ng kuryente ng isang araw at sa susunod, papalitan mo kasi hindi mo nagustuhan. Gayundin sa tubig. Kapag nakatayo na ang mga dam at nakaayos na ang mga tubo, hindi na yan magagalaw ng ibang kumpanya.

Kung maghahanap ng isang halimbawa ng isang serbisyong privatized at kung saan mayroong tunay na kompetisyon, binigay na halimbawa ni Venida ang pampublikong sasakyan. Maraming maliliit na negosyo ng dyip ang nakikipagsiksikan sa daan upang makakuha ng pasahero, ngunit, limitado lamang ang daanan kaya napupuno at nagkakaroon ng trapik. Ang hawak lang ng gobyerno na sasakyang pampubliko ay ang LRT at MRT ngunit pribadong kumpanya rin ang nagpapatakbo ng mga ito.

Ngunit paano nga ba humantong sa ganitong sistema ang Pilipinas, partikular na ang Metro Maynila? Bago ang paglipat sa pribadong sektor, ang gobyerno ang namamahala ng lahat, ayon kay Candelaria. Dahil dito, kinakailangan ng napakalaking pondo na kung minsan nakukulangan, kaya napipilitan ang gobyernong mangutang sa ibang bansa. Ayon kay Venida, nagsimula maging pribado ang mga pampublikong utilities, partikular ang tubig, noong 1997, mahigit 20 taon na ang nakalipas. Bago pa dito, ayon kay Venida, ang mga sistemang nakatatag ay hindi epektibo. Bago pumasok ang Manila Water at Maynilad, ang may hawak ay ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) at sa pagpapatakbo nila, nakararanas ang mga mamamayan ng kakulangan sa malinis na tubig buong araw, kaya inihati ang distribusyon ng tubig sa pagitan ng dalawang kumpanya, ang Maynilad (na pag-aari ngayon ng DMCI-MPIC Water Company) sa kanlurang bahagi ng Metro Maynila at ang Manila Water (na ang mga Ayala ang may pag-aari) sa silangang bahagi.  Sa kuryente naman, mas matagal nang pamamalakad ng Meralco ang distribusyon ng kuryente sa Maynila, magmula pa noong panahon ng mga Amerikano hanggang sa nailipat ito sa kontrol ni Eugenio Lopez Sr. nung 1961.

Bagama’t pribado ang may-ari ng mga kumpanyang ito, hindi ibig sabihin na hindi na sila sumasagot sa gobyerno. Ani Candelaria: “Kailangan nandoon pa rin ang tungkulin ng pamahalaan para maprotektahan ang mga kapakanan ng mga tao”. Mayroong mga regulatory board katulad ng Energy Regulatory Commission para sa kuryente at National Water Resources Board para sa tubig. Dapat naninigurado ang mga ito na hindi basta-basta ang pagtaas ng presyo ng serbisyo ng mga kumpanyang ito. Ngunit mayroong kahinaan ang ganitong sistema. Iginiit ni Candelaria na maaaring mayroong mga pangsariling adyenda ang mga tao sa regulatory board na ito at maaaring makipagsabwatan ang mga pinuno ng board sa mga kumpanya.

“Maraming tao mula sa gobyerno ang nakasalalay sa pribadong sektor sa panahon ng eleksyon dahil sila ang nagpopondo sa kampanya nila. Kaya kahit may regulatory body, kung hindi sila magiging malaya mula sa impluwensya, magkakaroon ng kompromismo,” sabi ni Candelaria.

Higit pa dito, ayon kay Candelaria, mayroong ding subsidy ang gobyerno galing sa mga binabayad ng mga mamamayan para sa mga ito. Sa madaling salita, maaaring mas malaki pa ang bayaran ng mga Pilipinong gumagamit nito. Ngunit mahalagang alalahanin na buwis parin ng mga mamamayan ang ginagamit upang pondohan ang subsidy na ito, kaya halos buhat pa rin ng mga tao ang lahat ng gastos.

Paano maitutuwid ang ganitong sitwasyon? Mayroong iilang nagsasabing dapat nasa kontrol nalang muli ng gobyerno ang mga sektor ng tubig at kuryente. Ayon kay Venida, ang problema dito ay baka hindi kasing epektibo ang pamamalakad ng gobyerno sa mga sistemang ito dahil unang-una, kaya nga nila ibinigay ang kontrol sa pribadong sektor dahil wala silang kakayahan upang panatiliin ang kalidad ng mga ito. Ayon din kay Candelaria, hindi kakayanin ito dahil masyado itong mahal. Maaaring bumalik ang mga tao sa pagrarasyon ng tubig at mga brownout.

Ngunit sa kabilang dako naman, alam natin na kung hahayaan lang ang mga kumpanya gawin ang kanilang mga gusto, baka mas lalong mawala sa abot ang ganitong mga serbisyo sa mga tao dahil sa huli, negosyo pa rin ang mga kumpanyang ito at nanaisin nilang kumita. Ayon kay Venida, nakasanayan na natin yung ganitong gawi at mahirap maghanap ng alternatibo. Ngunit ayon kay Robert Anthony Siy III, ang ulo ng Pasig Transport sa administrasyon ni Vico Sotto, hindi naman na sa lahat ng pagkakataon, awtomatikong masama kung sasabihing pribadong sektor ang hahawak sa isang proyekto. Kailangan lang daw hanapin ang modelo ng kasunduan kung saan ang taong-bayan ang pinakamakikinabang. Naniniwala rin si Candelaria na isang paraan upang walang pang-aabuso mula sa mga kumpanyang ito ay ang pagpapatatag pa ang mga grupo ng mga mamimili katulad nalang ng Nationwide Association of Consumers, Inc. (NACI) at Laban Konsyumer, Inc. (LKI). Ayon kay Candelaria, madalas rin kasing reaksyon nalang ang naririnig ng mga tao mula sa mga grupong ito kaya kailangang mas matulin ang pagsubaybay ng mga grupong ito sa pribadong sektor. Mas mabuti kung makakahanap ng paraan upang mas malaki ang pakikisangkot ng mga tao sa mga ganitong desisyon, sa gayun hindi nalang sila nadadala kung saan-saan ng malalakas na institusyon.

Mula sa Matanglawin Tomo XLIV Blg. 1: Paghawan ng mga pakiwari

Maaring basahin ang buong isyu rito.

IBa pang artikulo