
May daratnan pa ba ang aking pananabik na makauwi ngayong Pasko at makasama ang aking pamilya? Katatapos lamang ng aming unang semestre at hindi maikakaila na abala ang lahat na umuwi sa kani-kanilang probinsya, sapagkat, wala pa ring tatalo sa Pasko na kapiling ang pamilya. Ngunit, paano naman ang mga tulad kong tabingi ang kakayahang makabalik sa aming tahanan? Paano magagawang magdiwang ng Pasko kung ang bulsa ay butas at dehado?
Alinsunod sa pagbabawal sa mga mag-aaral na manatili sa University Residence Halls (URH) tuwing Christmas Break ang isang pagdalumat na tila nga malayo na ang pagtanaw ng Ateneo sa realidad ng mga mag-aaral nito. Naiintindihan ko ang mabuting layunin ng paaralan na hikayatin ang mga estudyante na makasama ang kanilang pamilya sa panahon ng Pasko, ngunit hindi ko maiwasang makaramdam ng inggit sa aking mga kasamahan na madaling makakauwi sa kanilang mga pamilya. Para sa ilang kagaya ko, hindi madaling isaalang-alang ang pag-uwi sapagkat hindi rin naman barya ang pamasahe papunta sa aming probinsya. Ngunit, ano pa nga ba ang aking magagawa? Sa halip na maging panahon ng pagdiriwang, ang pag-uwi ngayong bisperas ng Pasko ay nagiging hamon pa para sa amin na nagnanais lang naman makasama ang aming mga pamilya.
Bagama’t napakadaling sabihin na mag-ipon na lamang ang aking mga magulang para makauwi ako upang magdiwang ng Pasko, hindi lamang gastusin sa pamasahe ang pasanin ng aking pamilya. Mayroon ding gastusin sa pagkain, baon sa biyahe, at iba pang mga hindi inaasahang bayarin na mas nagpapabigat pa sa aming sitwasyon. Dahil rito, mas maigi pang maghanap na lamang ako ng pansamantalang matutuluyan sa mahigit-kumulang na isang buwan ng bakasyon sapagka’t mas mura ito kumpara sa pag-uwi ko sa aming probinsya. Tila sa aking pag-uwi ay aaray lamang ang bulsa ng mga nagpapaaral sa akin.
“Para sa akoa na need pa mugastos ug 12,000 para ra makauli, murag dako na sakripisyo gyud ang mag-Christmas break pa sa balay (Para sa isang tulad ko na kailangang gumastos ng mahigit labindalawang libo para lang makauwi, parang napakalaking sakripisyo na ang mag-Christmas break sa bahay),” ani Tim Sinlaco (1 BS LM), isang mag-aaral na naninirahan sa URH na mula sa Davao City.
Simula nang ipagpalit ko ang aking probinsya para sa pangarap na makapagkolehiyo sa isa sa mga pinakang-prestihiyosong unibersidad sa bansa, ilang buwan na ang dumaan na hindi ko nakakasama ang aking pamilya—mga sandaling hindi ko na maibabalik pa. Ang siyang dapat sanang napakasayang okasyon ay naging paalala pa na bagama’t malayo na nga ang aking narating, malayo na rin ako sa aking pamilya. Batid ko na hindi naman habang-buhay ganito, matatamasa ko rin ang kaginhawaan na maibabahagi ko rin sa aming tahanan.
Pero sa aking paghihintay, sa aking pagsusumikap, ilang kaarawan pa ba ang aking palalampasin? Ilang salo-salo, ilang pista, at ilang Pasko pa ba ang magdaraan na ako ay wala? Sa pagtitiis ko na ito, may daratnan pa ba ako?