_20241222_123656_0000.webp)
Malaking bahagi ng pagiging Pilipino ang pagdiriwang ng mala-piyestang Pasko. Gayunpaman, kahit sa buwan ng Disyembre, nananatiling malaking hamon para sa Pilipinas ang kawalan ng kahandaan sa harap ng sunod-sunod na pinsalang dulot ng bagyo. Maliban sa ningning nito, ang pagkutitap at pagbusilak ng ilaw ng mga palamuti sa Pasko ay nagsisilbing paalala rin ng pundi at kadiliman sa maraming tahanan—isang kalagayang bunga ng kakulangan ng makatarungan at maayos na pagpaplano mula sa pamahalaan.
Hindi na lingid sa kaalaman ng lahat ang pagiging disaster-prone ng Pilipinas dahil sa pagiging sentro nito sa typhoon belt ng Karagatang Pasipiko. Kaya naman karaniwang pangyayari na lamang ang bagyo, lindol, pagguho ng lupa, pagsabog ng bulkan, at tagtuyot. Bagaman may angking kadalasan, wala pa ring sapat na mga konkretong polisiya at paghahandang makatutulong upang humina ang matinding epekto nito sa mga mamamayan. Batay sa World Risk Index, ang risk score, o isang sukatan ng posibleng pagkasira at pinsala dulot ng bagyo, ng Pilipinas ay bahagyang tumaas ngayong taon sa 46.91 mula sa 46.86 noong 2023. Ngayong taon, tila parada rin ng mga bagyo ang tumama sa bansa, kung saan binigyang-diin ni Reiza Dejito, direktor ng CARE Philippines, na nanalanta ito nang mahigit sa 10 milyong katao, sumira sa tahanan ng maraming pamilya, at nagdulot ng P470 milyong pinsala sa mga komunidad, agrikultura, at imprastraktura.
Noong Nobyembre lamang, naitala ang pagkamatay ng walong indibidwal dahil sa Bagyong Pepito. Naiulat sa Nueva Vizcaya ang isang pamilyang may pitong miyembro ang nasawi nang matabunan ng gumuguhong lupa ang kanilang tahanan. Gayundin, isang 72-taong gulang na lalaki ang namatay sa isang aksidente sa sasakyan dahil sa nakalaylay na kable dulot ng hagupit ng bagyo. Patunay lamang ito na maraming binaon sa hukay at tinangay ang pamumuhay na hadlang sa unti-unting pagbangon ng buong rehiyon mula sa mga nagdaang bagyo. Nakagagalit isipin na mismong mga Pilipino ang umaaray dahil sa pamahalaan na puno ng mga huwad at payaso—malayang kinakamkam ang pera ng taumbayan upang punan ang pansariling pangangailangan.
Hindi maitatangging ang puno’t dulo ng problemang ito ay ang pamahalaan. Ayon sa pag-aaral ng Oxfam Pilipinas, ang P118.4 bilyong itinalagang pondo sa Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) mula 2016 hanggang 2020 ay hindi nagalaw. Kung susuriin, sa loob ng limang taon, ang 26% sa kabuuang pondo ng DRRM na nakalagak sa taunang badyet ay hindi nailabas at nagdulot ng “underspending,” o hindi kabuuang paggamit sa pondong pangkalamidad ng mga ahensya ng pamahalaan. Sa kabilang banda, ibinida ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagnanais nitong palakasin ang mga hakbang sa disaster response at risk reduction matapos ang mga nagdaang bagyo. Gayunpaman, walang nakikitang sapat na pagpaplano ngayong taon at madalas ay umaasa lamang sa Local Government Units (LGUs) at katatagan ng mga Pilipino.
Nakatanggap ng batikos ang pangulo nang sinabi niyang may hangganan ang kakayahan ng pamahalaan at magdasal na lamang. Idiniin niya rin ang lumalalang pagbabago ng klima o climate change, na aniya ay isang bago at hindi pa nararanasan na penomenon. Dito pa lamang ay kakikitaan ng kakulangan sa kaalaman ni Marcos pagdating sa disaster management. Kaya naman kahit may sumatutal na 15 na bagyo ang tumama sa Pilipinas ngayong taong 2024, kasama ang apat na sunod-sunod na bagyo noong Nobyembre, ang epekto sa mga Pilipino ay hindi humihina at bagkus ay mas lumalala pa.
Sa kabila nito, patuloy ang pangangalampag ng mga Pilipino na mas pagtuunan ng pansin ang paghahanda sa sakuna upang walang buhay at kabuhayan ang malagas pa. Ayon sa bagong pag-aaral ng Harvard Humanitarian Initiative (HHI) tungkol sa disaster preparedness mula sa datos ng 4,608 na Pilipino, nagkaroon man ng bahagyang pagtaas ang iskor ng bansa mula sa nakaraang pag-aaral noong 2017, hindi pa rin ito naging sapat kung isasaalang-alang ang taas ng risk level, o antas ng panganib na kinakaharap ng bansa. Kung susumahin, inilahad sa pag-aaral na tanging nasa 38.4% pa lamang ng paghahanda sa kalamidad ang ginagawa kung kaya’t binibigyang-diin nito ang mas malalim pang pamumuhunan sa pagpaplano at pagsasanay ng mga nakatakdang rumesponde.
Buhat nito, isang malaking bagay rin ang pag-usbong ng iba’t ibang Non-Governmental Organizations (NGOs) at civilian donation drives na may layuning punan ang mga kakulangang iniiwan ng pamahalaan sa pagtugon sa kalamidad. Sa kabila nito, karamihan ng mga solusyong ito ay pangmadalian lamang. Mahalagang mamuhunan ang pamahalaan sa pag-aaral at pangmatagalang plano ng iba’t ibang rehiyon ng bansa. Hindi sapat na i-asa lamang sa paulit-ulit na relief operations ang responde sa mamamayan. Ang malawakang pagkasira ng kabundukan dulot ng illegal logging, quarrying, at industriyalisasyon ang ilan sa mga dapat tugunan. Ang malalaking korporasyon na sumisira sa kalidad ng kapaligiran ang dapat unang managot sa pinsalang dala-dala nito sa mga Pilipino habang sila ay nakaupo sa kaginhawaan.
Bukod pa rito, mahalagang pag-aralan din ang kasanayan ng ating ninuno. Sa pagkukumpuni ng pangmatagalang plano, magandang magkaroon ng kontribusyon ang iba’t ibang sektor upang mas maging komprehensibo ito. Ang mga larangan ng archaeology at social sciences ay may kakayahang magbigay ng rekomendasyon ukol sa gawi ng ating ninuno sa pagharap sa sakuna. Ang pag-angkop ng flood-resistant crops at pagsasaayos ng mangrove reserves na may malaking gampanin sa pagpapahina ng storm surge ang ilan sa mga iminumungkahi nito bukod sa pagpapalawak ng training programs at rescue operations.
Kung iisipin natin, sa taas ng pondo na inilalaan sa disaster preparedness at dami ng inilalabas na proyekto upang maiwasan ang pagbaha, katulad ng halos 5,500 flood control infrastractures na ibinida noong SONA, bakit tila hindi pa rin ito tuluyang ramdam ng mamamayan? Kahit sa ilang bagyong pumasok sa bansa, malaki pa rin ang dagok na kanilang kinahaharap. Ang naging tugon ng pangulo rito, iwasan daw ng mga ahensiya ng pamahalaan ang marangyang pagdiriwang ngayong Pasko. Isang matatas na pagpapamukha ng pribilehiyo at karangyaan ng mga may kapangyarihan laban sa mga taong kung hindi nawalan ng tirahan ay nalimas ang kabuhayan.
Labis na nga ba ang pagtanggap natin sa konsepto ng katatagan tuwing may sakuna na nagbubulag-bulagan na tayo sa marahas na korapsyon na nagdudulot nito? Sa nakaaalarmang bilang at tindi ng kalamidad na kinakaharap ng bansa, oras ang ating kalaban. Hindi na lamang ito diskurso ng kung kailan magkakaroon ng sakuna, nararapat nang pag-usapan ang magiging kalagayan ng susunod na henerasyon. Sa pagdiriwang ng Pasko, hahayaan na lamang ba nating mapundi ang bumbilya bilang simbolo ng kadiliman sa maraming tahanan? At anong uri ng Pasko nga ba ang naghihintay sa mga Pilipino kung pawang tahanan, pamilya, at kabuhayan nila ang hindi nila naisalba sa pananalasa ng bagyo ng korapsyon at pagwawalang-kibo ng pamahalaan?