Sa Mga Mata ng “The Kingmaker”: Iba’t Ibang Mukha ng Katotohanan

Matalastas
NI
NINA
Eala Nolasco
AT
Pebrero 20, 2020

Masakit ang mawalan ng ina sa murang edad. Masakit ang mapatalsik sa sariling lupa dahil sa kagusutuhan ng first lady ng bansa mo na magkaroon ng mga hayop mula Aprika na manirahan sa lupa mo. Masakit ang mabiktima ng isang kapwa Pilipino sa ilalim ng diktadura ng pangulong dapat pinoprotektahan ka. Masakit ang pag-ulit ng siklo at madaling pagkalimot ng mga Pilipino sa ginawa ng diktadura ni Marcos at ng kanyang asawang si Imelda.

Ngunit ika nga naman ni Imelda, “Perception is real, truth is not.” Isa ito sa mga pinakamabibigat na linyang binitawan ni Imelda Marcos sa dokyumentaryong The Kingmaker sa ilalim ng direksyon ni Lauren Greenfield na ipinalabas sa Cine Adarna UP Diliman noong Enero 29, 2020. Itong linya ang humubog sa dokyumentaryo na maging isang paalala at hamon sa manonood na nasa kamay nila ang pagdedesisyon kung ano ang katotohanan.

Sa dokumentaryo, naiangat ang iba’t ibang boses na bumubuo ng sanga-sangang diksurso ukol sa dikatadura ng rehimeng Marcos. Pero ang pambungad ng dokyumentaryo ay hindi ang hari-hariang kwento ng diktadura ni Marcos. Dahil ayon kay Greenfield, ang mas makapangyarihan sa hari ay siyang walang korona, o sa sitwasyon nila Marcos walang titulo ng Presidente. Panimula ang kwento ng mas malakas pa sa presidente o hari, ang kwento ng kingmaker, kwento ni Imelda.

Sentral sa naratibo ang paggamit ni Imelda ng kwento ng kanyang kabataan na sinubok ng maagang pagpanaw ng kanyang ina. Ginamit niya ang kwento bilang pagpapaliwanag sa kanyang paniniwalang siya ang “mother of the country”, o Ina ng buong Pilipinas. Pero sa kwento ng mga taga-Calauit na napatalsik sa kanilang sariling lupa dahil sa pagpadala ni Imelda ng mga hayop mula sa Aprika, sakit lamang ng pagtatakwil niya ang kanilang naaalala.

Dumagundong din ang boses nina Etta Rosales at May Rodriguez na nagkukwento ng sakit na dinanas nilang mga biktima ng karahasan at pang-aabuso sa ilalim ng diktadura ni Marcos. Pero sa dokuyumentaryo, dumagundong din ang kabilang panig ng istorya. Ipinakita kung paano hanggang ngayon maraming nagtitiwala at sumusuporta sa mga Marcos, at kung paano sa kasalukuyan nakabalik sa kapangyarihan ang kanilang pamilya.

Inamin ni Greenfield na kung sa simula ng produksyon, akala niya’y magiging “redemption story” ni Imelda ang dokyumentaryo, nagulat siya sa tanong na dumagundong sa kabuuan ng istorya: paano nagawa ng mga Marcos ang pagbago ng daloy ng kasaysayan? Paano nangyaring nakabalik sila sa kapangyarihan at nangangampanya nang patuloy si Bongbong Marcos?

Sa kabilang banda, mayroong pangalawang babala ang dokyumentaryo: ang panganib ng pagpili ng panig ng mga Pilipino. Sa pagtatalakay sa diktadura ni Marcos, hindi maiiwasang pag-usapan ang sumunod na makasaysayang pangyayari sa bansa—ang EDSA Revolution. Kaya’t sinigurado ni Greenfield na mapalitaw din ang boses ng anak ng pinaslang Benigno “Ninoy” Aquino Jr., si Benigno “Noynoy” Aquino III.

Diniin ni Noynoy sa kasaysayan, “kung may tama, dapat may mali [there has to be a right, there has to be a wrong]." Pero bilang babala sa kultura ng pagpili ng panig sa mga politika, sinundan ni Greenfield ang pahayag ni Noynoy ng isang pagsasalamin sa sitwasyon ng Pilipinas ngayon sa administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte. Pinakita na hindi nagtapos sa EDSA Revolution ang laban ng bansa sa diktadura ng kasakiman, at patuloy ito sa kasalukuyan.

Kung hindi pa sapat ang hiyaw ng sakit ng mga biktima noong Martial Law, pinalitaw din ni Greenfield ang karanasan ng mga biktima ng giyera kontra-drogas ni Duterte ngayon.

Sa “The Kingmaker” natunghayan ang pag-ulit ng kasaysayan, at sa huli hinarap ng mga manonood angkatotohanang dinaranas ng mga taga-Calauit. Ipinakita ang paghihirap na dala-dala ng mga napatalsik na Pilipino, at ang pagdurusa ng mga iba’t bang hayop na nagdurusa ng sakit na hindi malunasan dahil sa kawalan ng beterinaryo sa lugar. Sa huli iniwan ni Greenfield ang manonood sa harap ng isang salamin na mayroong malaking tandang pananong, na tila isang hamong hindi lamang alamin kung aling panig ang tama, kung hindi hanapin ang totoo.

Sinundan ang screening ng isang panel na binuo nina Ramon Guellermo, Ka Punsalat, at Ka Susan Tagle. Ipinabaon nila sa mga manonood, at kahit sa mga hindi pa nakakanood ng The Kingmaker, na ang problema sa mga Pilipino ay pagkatapos ng Martial Law, maraming pinagpatuloy ang buhay nang hindi pinaglaban na maiikintal sa kasaysayan ang mga kasakiman ng rehimen ni Marcos. At bagaman masakit, dapat yakapin at kwestyunin ang katotohanan, nang maiwasan ang higit pang pag-ulit ng kasaysayan sa kasalukuyan.

IBa pang artikulo