SkW1D GheyMsZz sa Mayo 2022

Matalastas
NI
NINA
Apollo Quibs
AT
Nobyembre 29, 2021

Sa pagtatapos ng itinakdang deadline ng Commission on Entertainment, Circus and Comedy Bars (COMONECC) sa paghahain ng mga substitution at withdrawal ng certificate of candidacy (CoC) para sa HaLOLan 2022, pormal nang sinisimulan ang pagdaraos ng pambansang SkW1D GheyMsZz na magtatagal hanggang sa susunod na anim na buwan. Masasaksihan ng buong sambayanan ang isang madugong labanan sa pagitan ng mga manlalarong may iisang nais na mapanalunan: ang pinakamataas na posisyon ng kapangyarihan sa Pilipinas. At kagaya ng popular na hudyat ng malaking manika sa Pinoyflix series, isang maingay na pahiwatig ng pagsisimula ang inihatid ng nakaraang dramarama ng Panggulo at mga kaalyado nito sa mga huling araw ng filing. Ngayon, malinaw at tiyak na para sa lahat ang mga manlalaro sa paligsahan at ang mga linyang kanilang pinanggagalingan. Samantalang para sa ating mga hamak na VIP na nagmamasid, nasa ating mga kamay na ang pagpusta at kalauna’y pagpili kung sino sa kanila ang mananaig.

Hindi kagaya ng mga bida sa palabas, masyadong komplikado at naiiba ang mga kalahok sa ating SkW1D GheyMsZz. Wala sa kanila ang may kasing daling magtiwala kagaya ni 199, o may kakayahang patakbuhin ang laro habang kalahok tulad ni 001 (bawal sumali si Daddy Duts). Lahat ay may angking katalinuhan at katusuhang maihahalintulad sa pinagsamang karakter nina 456, 218, 212, at 101.

Una na dito si Senador Bonggang Bong Ga na tumatakbo sa ilalim ng i-PePe i-DeDe i-pederaliSMo (PPDDSM). Matapos tanggihan ang alok ng Partidong Laban o Bawi na tumakbo bilang pangulo, ginulat niya ang lahat nang samahan siya ni Panggulong Dutae na maghain ng kandidatura bilang pangalawang pangulo noong Oktubre. Hindi rin inasahan ang kanyang ka-tandem sa pagkapangulo, ang arkitekto ng War on Coke at ngayo’y senador na si Bato Bato Gan. Gayunpaman, nakita siya ng karamihan bilang placeholder lamang — isang pansamantalang panakip-butas sa tunay na substitution na nakatakdang magaganap pa. At nangyari nga ang dramarama ng Laban o Bawi nitong Nobyembre: umatras si Bato Bato Gan, si Bong Ga ay tumakbo sa pagkapangulo sa ilalim ng PPDDSM, at si Daddy Duts na magreretiro na raw ay kalauna’y napabalitang magiging ka-tandem ni Bong Ga at sa huli ay tatakbo sa pagkasenador.

Nakahihilong unawain ang lahat ng naganap sa dalawang buwan na inilarawan bilang sirko sa pulitika ng bansa, ngunit mayroon pang mga nagnanais palarin at maging pangulo. Nariyan pa ang senador at boksingerong si Money Pac Yu ng partidong DIPINDI, na pinupuna na diumano’y bumibili na kaagad ng boto buhat ng pagpapamudmod nito ng pera sa kanyang mga pagbisita. Haharap din si Yorme Oksi ng Syonak Kratidems, ang binansagang “Dutae Lite” ng kanyang mga kritiko dahil sa angking populistang katangian na maihahalintulad sa Panggulo. Samantala, muling susubok din sa pagka-pangulo si Senador Pinky Lason ng Partido Paporma, ang dating hepe ng Patay Nang Patay (PNP) na nadawit noon sa sa kaso ng pagpaslang sa publicist na si Bobbie Dawho at sa driver nitong si Manuel Orbits. Habang lalahok naman mula sa hanay ng mga manggagawa si Ka Lodi ng Partido Lakas ng Tama, isang batikang lider ng mga unyon na nagtatangkang baguhin ang pamamalakad sa bansa sa pamamagitan ng mga sosyalista nitong plataporma.

Sa kabila ng mga nabanggit na manlalaro, tatlong pangalan ang patuloy na gumagawa ng pinakamalakas na ingay mula nitong mga nakaraang buwan. Matagal nang inaasahan ang paglahok ng anak ng Panggulo at alkalde ng Budots Land na si Inday Chararat, ngunit atras-abante ang pagdedesisyon nito kung tatakbo ba siya sa lokal o nasyonal na posisyon kagaya noon ng kanyang ama. Sa pagdadalawang-isip ni Chararat ay lalong lumakas ang suporta sa kandidatura sa panguluhan ng anak ng diktador at dating senador na si Bobong Narcos Jr. ng IlocoSnorty. Kasama ng kanyang mga kampon sa Solid Snort, napunan ni Narcos Jr. ang nawalang ingay sa pagtakbo ng anak ni Dutae sa social media. Ito ay bunsod ng mga isyung muling naungkat tungkol sa kanya, kagaya ng pagsisinungaling niya sa kaniyang natanggap na diploma sa Oksvard at ang patuloy niyang paghuhugas kamay sa ginawa ng kanyang pamilya noong Marshmallow. Kalaunan, naganap ang inaasahang pag-withdraw ni Chararat sa pagka-alkalde at pagtakbo nito sa nasyonal na pwesto sa ilalim ng Lakas-CBD. At sa huli, nagsanib-pwersa ang mga anak ng dalawang diktador, kung saan nagpaubaya si Inday bilang ka-tandem ni Narcos Jr. at tatakbo bilang pangalawang pangulo. Inaasahan na haharapin ng dalawa si Bong Ga, ang pinakamalapit na alalay ng Panggulo na kanya nang itinaas ang kamay.

Samantalang sa hanay ng isang paksyon ng oposisyon, binaha ang social media ng kulay pink sa inaasahang kandidatura sa pagkapangulo ni Vice President Lugaw Hadouken na tatakbong independent. Kung susumahin, ito na ang pangatlong edisyon ng laban sa pagitan nina Lugaw at Narcos Jr., kung saan natalo ang anak ng diktador sa naunang mga laban noong HaLOLan 2016 at sa kanyang petisyon sa Korte Suprema. Sa paggamit ng pink, ipinagpapalagay ng mga analyst na tuluyan nang inabandona ni Lugaw ang kulay dilaw na nakakabit sa bansag na “dilawan,” isang insulto sa dating administrasyong Abnoy na lumaganap sa panahon ni Dutae. At kasabay ng pagkalat ng nasabing kulay, bumuhos din ang mga patutsada sa Bise Presidente sa social media, tulad ng pag-aakusa sa kanyang “puppet” ng mga Abnoy at pagkaistupido raw nito sa sikat na banat ng mga troll na “4 x 4 = 1600.” Ngunit sa kabila ng pagkalat ng mga paninirang ito, kapansin-pansing wala gaanong nag-aakusa kay Lugaw na sinungaling at magnanakaw kumpara sa kanyang pinakamahigpit na kalaban.

Sa kasulukuyan, ito ang lahat ng mga nangungunang kalahok sa ating sariling Squid Game. Wala mang literal na larong kagaya ng “Marlboro Light, Empi Light” o “Yema Candy,” inaasahang sa mga kampanya at debate maglalabanan ang mga manlalaro hanggang sa huling round sa Mayo 9. Lahat ng mga kalahok ay may kanya-kanyang istratehiya sa pagkapanalo at inihahaing pamamalakad kung sakaling magwagi. Nakikita na natin ang ilan sa mga ito, tulad ng atras-abante nina Bong Ga, Dutae, at Bato Gan at ng pagpapakalat ng suporta ng mga tagahanga ni Narcos Jr. na nahahaluan na ng fake news at propagandang puro shabu. At sa kabila ng matutunghayang dumi ng politika hanggang sa Mayo 2022, nararapat na manatili tayong kritikal sa paghimay at pag-unawa sa lahat ng mga kandidato — mula sa kanilang plataporma at kwalipikasyon hanggang sa mga isyung kanilang kinasasangkutan. Dahil tahasan mang tila magpatayan na ang mga kandidato para lamang manalo, tandaan nating tayong mga mamamayan ang VIP sa larong ito. Nakasalalay pa rin sa mga kamay ng bawat isa sa tinatayang 66.9 milyong botante para sa HaLOLan 2022 ang pasya sa kung sino sa mga kandidatong ito ang magwawagi. Kaya’t nawa, tayong lahat ay matalinong makapili sa Mayo ng mga kandidatong hindi ipapanalo ang kanilang bulsa at sariling interes, bagkus ay mga pinunong ganap na magpapanalo sa ating mga adhikain at nagnanais na makita ang pagbabago sa ating bansa sa susunod na anim na taon.

#Tanganglawin

IBa pang artikulo