Unli Rice: Bawat Butil ay Buhay

Matalastas
NI
NINA
Peter Garnace
AT
Enero 2020

Magtanim ay ‘di biro. Maghapong nakayuko. Hindi man lang makatayo. Hindi man lang makaupo. Sa ilalim ng matinding sikat ng araw. Init na nanunuot at tagos sa katawan. Uhaw man ang tigang na lupa, walang magagawa dahil ang bawat butil ay buhay. Kung walang itinanim, walang aanihin.

Isang agrikultural na bansa ang Pilipinas, kung kaya hindi palaisipan kung bakit pangunahing ikinabubuhay ng maraming Pilipino sa kanayunan ay ang pagsasaka. Ito ang kinagisnang hanapbuhay ng mga Pilipino na angkop sa heograpiya at likas-yaman na makikita sa paligid. Subalit sa kasalukuyan ay paunti na nang paunti ang mga magsasaka bunga ng maraming salik gaya ng urbanisasyon at kawalan ng repormang agrikultural. Sang-ayon sa tala ng United States Department of Agriculture-Foreign Services (USDA-FAS), ang Pilipinas ay mayroon na lamang tinatayang 4.81 milyong ektarya ng lupaing agrikultural: mas mababa ng 1% noong 2018 na may 4.84 milyong ektarya.

Palay ang pangunahing pananim ng mga magsasakang Pilipino. Gayunpaman, kinakapos pa rin ang suplay ng bigas sa ating bansa kung kaya kinakailagan mag-angkat. Ayon na rin sa teorya ng suplay at demand, kung mataas ang demand at mababa ang suplay, tataas ang presyo. Ang krisis sa bigas ay sanhi ng pagtaas ng demand sa pagkokonsumo ng mga Pilipino at patuloy na pagbaba ng suplay.

Sa datos ng USDA, mula 13.25 milyong Metric Tons (MT) ay pumalo ng 13.65 milyong MT ang konsumo ng mga Pilipino. Habang ayon naman sa Philippine Institute for Developmental Studies, ang produksyon ay bumaba mula 12.23 milyong MT patungong 12.15 milyong MT. Para maibsan ang pagtaas-presyo, kinakailangang mag-angkat.  Ito ang naging pangunahing layunin ng RA 11203 o ang Rice Tariffication and Liberalization Law kung saan wala nang limitasyon sa pag-angkat ng bigas galing sa ibang bansa. Gayunpaman, malaki ang maidudulot na pinsala ng polisiyang ito sa lokal na magsasaka sapagkat maaari nila itong ikalugi.

Ayon kay Ireneo “Ka Rene” Cerilla, ang Advocacy and Paralegal Program Leader ng Pambansang Kilusan ng mga Samahang Magsasaka (PAKISAMA), hindi pa handa ang mga magsasaka para sa batas na ito. Hindi kayang makipagkompetensiya ang mga ordinaryong magsasaka sa presyo ng bigas na aangkatin sa ibang bansa.

Sa usapin ng presyo, kung ihahambing ang lokal na bigas sa inangkat ay mas nanaisin ng isang pangkaraniwang Pilipino na bumili na lamang ng inangkat na bigas dahil ito ay mas mura. Isa itong isyu sa mga magsasaka── ang mas mataas na presyo ng paggawa at murang presyo ng pagbili o gate price. Ang production cost ng bigas sa Pilipinas ay Php 12.00/kilo, mas malaki kung ikukumpara sa mga karatig na bansa tulad ng Vietnam na Php 6. 50/kilo at Thailand na Php 9.50/kilo.

Ayon sa mga ekonomista, ang Rice Tarrification and Liberalization Law ang siyang magiging tulay ng mga Pilipino tungo sa mas abot-kayang bigas. Ngunit kaakibat naman nito ay ang dagdag kompetisyon sa lokal na agrikultura. Kung saka-sakaling hindi makasabay sa kompetisyon ang mga lokal na magsasaka, maaari nilang ikalugi ito, lalong-lalo na ang mga maliliit na magsasaka.

Para kay Ka Rene, hindi sumasang-ayon ang PAKISAMA sa pagkakapasa ng Rice Tarrification and Liberalization Law sapagkat magiging dagdag-pasanin lamang ito sa mga katulad niyang magsasaka. Isa pang pinangangambahan ng mga magsasaka ay ang probisyon sa batas na maglilikha ng isang Php 10 bilyong Rice Competitiveness Enhancement Fund──Php 5 bilyon ang ilalaan para sa makinarya at Php 3 bilyon para sa binhi. Nakakatakot na maaaring maging katulad ito ng Coco Levy Fund na hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin naipapamahagi sa mga magsasaka makalipas ng apat na dekada.

May limang salik na nakikita si Ka Rene kung bakit mayroong krisis sa sektor ng agrikultura. Una ay ang kakulangan sa suportang serbisyo ng pamahalaan tulad ng binhi, patubig, at makinarya na kinakailangan upang mapadali at mapabilis ang produksyon ng bigas. Ikalawa naman ang pagbibili sa mababang presyo ng mga lokal na bigas na karaniwang ikinalulugi ng mga ordinaryong magsasaka. Ikatlo ay ang reporma sa lupa na matagal nang inaasam-asam ng mga magsasaka na magkaroon ng sariling lupang sakahan na nasa ilalim ng batas ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) na layuning ipamahagi ang mga lupain sa magsasaka. Ikaapat ay ang kakulangan sa pag-unawang kultural sa agrikultura bilang negosyo. Ang kakulangan sa kaalaman sa pangangasiwa ng kita at gastos ng magsasaka ang madalas nagiging sanhi ng pagkalugi. Panghuli ay ang masyadong malawak na komersyalisasyon ng bigas na nagiging dahilan kung bakit mga malalaking negosyo na ang kumikita ng mas malaki kumpara sa mga maliliit na magsasaka.

Ang palay ay ang tanging political commodity sa Pilipinas—nasa kamay ng pamahalaan ang kontrol sa dami ng maaani at iaangkat. Malaking kaginhawaan para sa mga kumokonsumo ang Php 2.00 hanggang Php 7.00 na tapyas sa presyo ng bigas, datapwa’t nasa bingit naman ng pagkalugi ang mga lokal na magsasaka dahil sa pag-angkat ng mas murang bigas. Kung hindi mapoprotektahan ang mga magsasaka, ito ang ikalulugmok ng sektor.

Mula sa Matanglawin Tomo XLIV Blg. 1: Paghawan ng mga pakiwari

Maaring basahin ang buong isyu rito.

IBa pang artikulo