Ang Kalagayan ng mga Lumad sa Panahon ni Duterte

Matalastas
NI
NINA
Rainier Bahaghari
AT

Mariing na kinundena ni Duterte ang pagpapabaya ng administrasyong Aquino sa karapatang pantao ng mga Lumad. Sa anim na taong termino ni Aquino, may naitalang 102 na Lumad ang pinaslang. Matapos ang mga sunod-sunod na pagpatay ng mga paramilitary groups sa mga napaslang na mga guro at lider ng mga lumad, nangako si Pangulong Rodrigo Duterte bago mag-eleksyon na ipagtatanggol niya ang karapatan ng mga katutubong lumad na kapuwa niyang taga-Mindanao.

Ngunit dahil sa pagtatalaga ng “all-out war” ni Duterte sa New People’s Army, naantala ang inaasam na kapayapaan ng mga Lumad. Kung dati, ipinagtanggol ni Duterte ang mga katutubo sa pamamagitan ng pagpapalayas sa militar, pinapapunta na niya mismo ngayon ang mga militar sa kanilang lugar na siyang nagdadala ng takot at pangamba sa kanilang buhay. Pinaghihinalaan kasi ng pangulo ang mga lumad bilang mga taga-suporta ng NPA. Sinabi pa niya mismo na dapat iwan ng mga Lumad ang mga NPA at umanib sa militar. Nito lamang Pebrero, may dalawang lider ng mga lumad ang binaril na naman ng mga paramilitary na grupo sa Bukidnon.

Sa pagtugis ni Duterte sa mga NPA, nadadamay ang mga katutubong Lumad. Nangako siya bago umupo na ipagtatanggol niya ang kanilang karapatang-pantao ngunit inilalagay niya sa peligro ang kanilang mga buhay dahil sa kagustuhan niyang ubusin ang mga NPA. Nasaan ang pangakong ipagpatuloy ang usaping pangkapayapaan sa pagitan ng Gobyerno ng Republika ng Pilipinas at National Democratic Front upang makamit na ang inaasam na kapayapaan sa Mindanao at ng mga Lumad? Sa unang taon ng administrasyon, ang pangakong ito ay isang kabiguan.

Panawagan noong International Human Rights Day, 10 Disyembre 2016.

Bukod pa dito, idineklara ni Pangulong Duterte ang Martial law sa Mindanao noong nakaraang Mayo. Nakauwi na nga ang mga katutubong Lumad ngunit nasa bungad na ng mga komunidad ng mga Lumad ang mga militar na nagpalayas sa kanila sa kanilang sariling lupain. Patuloy silang nangangamba na umabuso ang AFP-PNP at magpatuloy muli ang mga pagpapaslang sa kanilang lugar.

Isang taon nang nanunungkulan ang pangulo ngunit wala pa ring mga patakaran ang nagsisiguro sa kaligtasan ng mga Lumad. Noong nanunungkulan sa Aquino, binatikos ang Oplan Bayanihan bilang isang programang naglagay sa Lumad sa peligro. Walang pinagkaiba ito sa pagdedeklara ng Batas Militar at “all out war” sa NPA sapagkat nagdadala ito ng mga puwersa ng AFP sa kanayunan na nagdudulot ng pangamba sa buhay ng mga Lumad.

Panawagan ng isang magsasaka mula Bukidnon, "Militar sa Kanayunan Palayasin".

Sa unang taon ng administrasyong Duterte, hindi pa nakamit ng mga katutubong Lumad ang kapayapaang hinahangad nila. Ilang buhay pa kaya ang makikitil bago mabigyang pansin muli ang kanilang hinaing? Nakauwi nga sila sa kanilang lupain, mas lumapit naman sa kanila ang peligro dahil naninirahan na malapit sa kanilang komunidad ang mga militar. Bukod pa rito, pinaghihinalaan silang umaanib sa NPA na kinikilala ni Duterte kamakailan lang bilang “enemy of the state”.

Kaaakibat ng pagsulong ng karapatang-pantao ng mga Lumad ay ang pagsulong ng peace talks. Upang makamit ang kapayapaang inaasam ng mga Lumad, kailangan simulan ang muling pagbubukas sa espasyo ng pakikipagdiyalogo sa pagitan ng NDF at GRP. Kinakailangan ng pakikipagpalitan ng kuro-kuro at hindi bala upang hindi madamay ang mga inosenteng katutubo. Ngunit nawawalan na naman ng pag-asa para ipagpatuloy ang usaping kapayapaan dahil sa Batas Militar na gusto pang pahabain ni Pangulong Duterte.

IBa pang artikulo