Walang salary advance na binigay ang administrasyon ng Ateneo sa mga manggagawa noong pandemya, paliwanag ni Mondie Taño, pangulo ng Ateneo Employees and Workers’ Union (AEWU), matapos ang ipinalabas na paglilinaw ng administrasyon ng Pamantasang Ateneo de Manila (ADMU).
“With compassion for its employees, the University extended consideration by providing them with salary advances to tide them through the challenges of the pandemic; and it is with a clean conscience that these salary advances were recovered,” sinabi ng Pamantasan sa inilabas nitong pahayag noong ika-13 ng Nobyembre.
Sa isang panayam noong ika-15 ng Nobyembre, iginiit ni Taño na malinaw na idineklara ng Voluntary Arbitration (VA) Tribunal sa kanilang hatol na walang ibinigay na advance payment ang pamantasan. Kung mayroon man, dapat daw itong nakalagay sa payslip ng mga manggagawa.
Sinabi ng pangulo ng AEWU na Blue Aid ang ibinigay ng administrasyon noong panahon ng pandemya at iba pa raw ito sa advance payment. Nagsilbi raw itong tulong na ibinigay ng pamantasan sa lahat ng mga manggagawa sa gitna ng hirap ng pandemya.
Ayon pa sa pahayag ng ADMU ukol sa Flexible Work Arrangement, “To wit, to be able to pay the affected employees, they were treated as if they were working on the week that they did not have a work schedule or on LOA; but, only 3 days of LOA were deducted from them while 3 days of salary advances were provided to them.”
Pinasinungalingan naman ito ng unyon, kung saan sinabi nilang hindi raw totoo ang sinasabi ng administrasyon na tinupad nila ang “no work, no pay” noong pandemya.
Ayon sa kanila, ang ADMU mismo ang gumawa ng iskedyul para sa pagpasok ng mga manggagawa na sumusunod sa isang linggong pagpasok at dalawang linggong hindi pinapapasok bilang “no work, no pay.”
Ngunit, kinaltas pa rin sa sahod ng manggagawa ang oras na hindi sila pinapasok, na tinuring daw na Leave of Absence (LOA).
Sa kasalukuyan, sinabi ni Taño na wala pa ring pagsunod galing sa unibersidad sa pagsunod ng Writ of Execution. “Kung (totoong) ‘in good faith’ kayo, sumunod kayo doon sa Writ of Execution na order,” sabi niya.
Sabi naman ng ADMU, tumanggi raw ang Unyon sa panukala nitong ibigay ang kabayaran direkta sa mga apektadong empleyado dahil nais daw ng Unyon na sa kanila dumaan ito. Patuloy pa rin daw nakabinbin ang pagpapatupad ng ibinabang hatol.