Bagong Pilipinas, Bagong Mukha? Ang Pagbabalik ng Pamilyang Pinatalsik

Mata Online
NI
NINA
Biraddali
AT
Hunyo 30, 2022

Nitong nakaraang Mayo 9 naganap ang eleksyon sa Pilipinas kung saan milyon-milyong Pilipino ang bumoto sa mga kandidatong mamumuno sa ating pamahalaan. Batay sa resulta, si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang nanguna mula sa kaniyang mga katunggali sa pagkapangulo. Nakapagtala siya ng 31,629,783 na kabuuang boto. Siya’y pormal na ipinroklama ng Kongreso noong Mayo 25 matapos bilangin ng joint congressional canvassing committee ang mga balota.

Ang tagumpay ni Marcos Jr. ay nangyari sa gitna ng mga isyu at alegasyong kinahaharap ng kaniyang pamilya tulad ng malawakang katiwalian, pandarambong, at paglabag sa karapatang pantao noong rehimen ng kaniyang ama—ang yugto sa ating kasaysayan kung saan pinatahimik at pinagmalupitan ang mga Pilipinong sumasalungat sa gobyerno. Gayunpaman, sa kabila ng katotohanang ito, marami pa rin ang nagpabulag sa maling impormasyong ipinakikita sa social media at midyang pangmadla na itinatanghal ang kaniyang ama bilang pinakamagaling na pangulo sa bansa. Ayon sa mga dalubhasa, ang mga huwad na datos at baluktot na kaisipan ang isa sa naging susi upang mas paniwalaan ng mga tao ang palsipikadong bersiyon ng ating kasaysayan.

Samakatuwid, ang tagumpay na ito ay isang patunay na patuloy pa ring namamayagpag ang patronage at personality politics sa Pilipinas kasabay ng deka-dekadang dinastiya. Halimbawa, magkakasama sa senado ang magkapatid na Pia at Alan Cayetano habang si Mark Villar ay kasama ang kaniyang ina na si Cynthia Villar. Bukod dito, nagwagi rin ang magkapatid na Jinggoy Estrada at JV Ejercito. Samantala, sa pamahalaang lokal, umingay muli ang pamosong pangalan ng mga Revilla, Remulla, Tolentino, Belmonte, Marcos, Duterte, Cayetano, Romualdez, at iba pa. Mula rito, kung liliripin ang ideya sa likod ng bawat pangyayari, mahihinuhang malaking tulong kay Marcos Jr. ang dala-dala niyang pangalan sa halalan sapagkat marami pa ring mga botante ang nadadala sa impluwensiya ng personalidad at apelyido ng pamilya kaysa sa konkretong plataporma at programa. Kung kaya’t kung titingnan ang resulta ng eleksyon, ipinahihiwatig nito na mayroong dapat ayusin sa sistema upang mas maitaguyod ang diwa ng demokrasya kung saan tao ang tunay na may hawak ng kapangyarihan—hindi ang mga politikong ginagamit lamang ang kanilang tanyag na pangalan upang manungkulan sa pamahalaan.

Ngayong araw, Hunyo 30, pormal na manunumpa si Marcos Jr. bilang ikalabimpitong pangulo ng Republika ng Pilipinas. Ito ay isang paanyaya sa atin upang maging mapanuri sa bawat kilos at polisiya ng susunod na administrasyon kung saan titiyakin ang kalidad at merito ng mga planong ipatutupad ng gobyerno. Hinihikayat tayo nitong maging mapagmatyag para bantayan ang ating demokrasya sa kasagsagan ng isang panahon kung saan muling manunungkulan ang pamilyang bumuwag sa esensiya nito gamit ang diktadurang pamamahala.

Mga Sanggunian:

Palatino, M. (2022, Mayo 23). Political Dynasties Dominate Philippines Election — Again. The Diplomat. https://thediplomat.com/2022/05/political-dynasties-dominate-philippines-election-again/

Tan, L. (2022, Mayo 25). Marcos Jr. officially proclaimed president-elect. CNN Philippines. https://www.cnnphilippines.com/news/2022/5/25/Bongbong-Marcos-proclaimed-Philippines-president-2022.html

IBa pang artikulo