Bahid sa Hinabing T’nalak

Mata Online
NI
NINA
Hen Namoca
AT
Oktubre 31, 2021

Ngayong Oktubre inilulunsad ang Buwan ng Katutubong Pilipino ayon sa kasalukuyang konstitusyon na inilatag para sa pagdiriwang ng kultura at karapatan ng mga katutubong Pilipino sa bansa. Ang tema ngayon, ayon sa Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining (NCCA sa akronim nito sa Ingles), ay “Katutubong Filipino, Atin ang Tagumpay!” na inilalaan ang mga subok, tiyaga, at lakas ng mga katutubong Pilipino sa harap ng kahirapan at kapighatian. Nagpalabas ang NCCA ng mga birtwal na kaganapang dinidiin ang tagumpay ng mga katutubong Pilipino sa daloy ng kasaysayan. Ngunit, sa likod ng mga biyaya at ngiti sa pagdiriwang, may lumilitaw na kalansay.

Noong nakaraang Hulyo nabalitaan ang pagpatay sa tatlong Lumad ng 3rd Special Forces Batallion ng Armed Forces of the Philippines (AFP) habang sila’y nagsasaka sa Sitio Panukmoan, Surigao del Sur, ayon sa ulat ng human rights group na Karapatan. Kasunod nito, idineklara ng AFP na ang mga pinatay na Lumad ay mga miyembro ng Bagong Hukbong Bayan o NPA na nanlaban sa batalyon ng mga sundalo. Isa sa mga biktima ang isang estudyanteng Grade 6 na si Angel Rivas.

Noong Pebrero naman maaalala ang pag-aresto sa 26 na mag-aaral at guro sa Save Our Schools Network (SOS) sa Central Visayas, na iginigiit ng kapulisan bilang. isang “reskyu operation” sa mga kabataang Lumad na pinaniniwalaang “kinidnap” ng SOS. Kabilang sa mga inaresto ay ang guro at IP rights advocate na si Chad Booc. Sa pagtatapos ng 2021, mainit pa rin ang usapin ng karapatang edukasyon at pamumuhay para sa mga katutubong Pilipino, lalo na sa harap ng extrajudicial killings, militarisasyon, at karapatang edukasyon.

Noong ika-29 ng Oktubre, naglunsad ang mga grupo ng Lumad, kasama ang mga progresibong grupo, ng isang kilos-protesta sa harap ng punong-tanggapan ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP). Panawagan ng mga katutubo na ibasura ang NCIP dahil sa pagkakasangkot nito sa mga kontrobersyal na proyekto (tulad ng dam projects) na nakikialam sa Ancestral Domain o ang karapatang panatilihin ang lupang ninuno sa mga katutubong Pilipino. Ayon sa indigenous rights group Kabataan Para sa Tribung Pilipino (Katribu), sangkot din ang NCIP sa kasalukuyang isyu ng mga irregular funds na tinatak ng Commission on Audit sa loob ng pandemya.

Hinarap ng NCIP ang kilos-protesta habang ito’y ginaganap, at huli sa bidyo ang tawanan, pambabastos, at paghaharang sa mga katutubong nagpoprotesta.

Ang NCIP ay itinatag bilang isang komisyon para sa representasyon ng mga katutubong Pilipino sa gobyerno — ngunit sa ginanap na kilos-protesta, nakita ang kasalungat ng kanilang paninindigan.

Halos maihahalintulad ang pangyayaring ito sa kontrobersya noong 2019 kung saan kumalat ang isang viral video galing sa Estados Unidos na nagpapakita ng mga grupong kabataang sumusuporta sa dating-Presidente na si Donald Trump, at ang isang pinuno ng tribong Omaha (sila ay mga katutubong Amerikano) na si Nathan Phillips. Sa harap ng mga tukso at biro ng mga nakasuot ng pulang sumbrero, tinuloy ni Nathan Phillips ang pagkanta at pagtugtog sa kanyang tambol, isang kilos na sagrado para sa mga Omaha.

Sa pagtatapos ng 2021, tuloy pa rin para sa mga katutubo at mga aktibistang katutubo ang laban sa pagkamit ng kanilang karapatan sa lupa, hanapbuhay, at kultura. Umiinit din ang usapin ng red-tagging, EJK, at karapatang lupa, kaya maaaring asahan ang pagtalakay dito sa entablado ng darating na eleksyon. Hanggang ngayon, tuloy pa rin ang laban para sa karapatan ng mga kababayan nating katutubo.

IBa pang artikulo