Bakit Ka Tumakbo? Paano nga ba Ginamit ang Fake News sa 2023 BSKE?

Mata Online
NI
NINA
Jhazzel Timothy Dumlao
AT
Disyembre 22, 2023

Kamakailan lamang ay naganap ang Barangay and Sangguniang Kabataan Elections 2023, kung saan 1.41 milyong tao ang tumakbo para sa 42,001 posisyon bilang kapitan ng barangay at pangulo ng Sangguniang Kabataan at 294,007 posisyon bilang kagawad sa Sangguniang Barangay at Sangguniang Kabataan. Subalit sa kabila ng matagumpay na pagdaraos ng nasabing halalan, samu’t saring anomalya ang lumutang bago pa man magsimula ang pangangampanya. Tunay ngang patuloy na lumaganap ang paggamit ng pekeng balita o fake news, mga disimpormasyon, at ang tahasang pang-mamanipula ng ilan sa mga naghahangad na “maglingkod” para sa mga mamamayan.

Una sa lahat, hindi na bago ang paggamit ng plataporma ng hatirang pangmadla o social media sa pagpapakalat ng mga fake news. Noon pang 2022 presidential elections ay talamak na ang kabi-kabilang fake news na ginamit ng ilang kandidato upang malinlang ang mga tao para iboto sila sa halalan. Ngunit sa BSKE 2023 ay nagpatuloy pa rin ang paglaganap ng disimpormasyong ito. Isa na rito ay ang kinilalang si Rolyn Jay Battad, isang TikTok influencer na tumakbo rin sa BSKE ngayong taon. Subalit hindi sumikat si Battad dahil dito, bagkus ay ang kaniyang pagkakadawit sa isyu ng paninira sa Filipino-British model na si Maggie Wilson at sa negosyo nito. Diumano ay tumanggap si Battad ng hindi bababa sa walong libong piso para siraan si Wilson na kalauna’y kaniya ring inamin sa Tiktok. Ang nakababahala rito ay ang pagtakbo nito sa BSKE sa kabila ng tahasang pag-amin sa nagawang paninira. Halo-halo ang naging reaksiyon ng mga netizen, subalit mas marami ang sumalungat sa kaniyang pagtakbo sapagkat hindi raw makatarungan sakaling mahahalal si Battad. Matapos ang eleksiyon, hindi kasama sa mga nanalong konsehal ang TikToker

Dagdag pa rito, ang pagpapakalat ng fake news sa pamamagitan ng paglalahad ng misimpormasyon ay labis ding ikinabahala ng mga netizen sa TikTok at Facebook. Isa sa pinakasumikat ay ang kandidato para sa SK Chairwoman na si Ronjoy del Pilar sa Relocation 1, Brgy. Pulong Sta Cruz sa lungsod ng Sta. Rosa, Laguna. Hindi siya sumikat dahil sa kaniyang napakaraming credentials o di kaya ay sa makataong paglilingkod kun’di bunsod ng TikTok video na  uminog sa maling pagpapaliwanag ng ‘inflation’ sa bansa na agad umani ng libo-libong reaksiyon. Sa naturang bidyo ay iginiit niyang bumaba na ang inflation rate ng bansa base sa graph na nagpapakita lamang ng implasyon sa isang sektor sa loob lamang ng anim na taon. Ang pagpapakalat ng maling impormasyon ay hindi magandang indikasyon ng pagtakbo para sa isa sa mga pinakamahalagang posisyon sa isang lokal na pamahalaan, kung kaya’t labis na ikinabahala ng mga tao ang paglaganap ng mga ganitong senaryo. Sa lokal na pulitika, ang pagkalat ng maling impormasyon ay maaaring magkaruon ng malalim na epekto sa tiwala ng mamamayan sa eleksyon, maaaring maging hadlang sa maayos na pamumuno, at magdulot ng kawalan ng kumpiyansa sa sistema ng pamahalaan. Ito ay maaring maging panganib sa pangunahing prinsipyo ng demokrasya, lalo na sa isang domestikong konteksto kung saan ang tamang impormasyon at tamang pagpili ng lider ay mahalaga para sa tunay na pag-unlad ng komunidad. 

Ang pagpapakalat ng fake news ay hindi lamang talamak sa social media. Ganito rin ang sitwasyon sa labas nito, ang tunay na mundo. Ilan sa mga halimbawa nito ay ang pag-red tag sa kandidato bilang Kabataan Partylist Cebu Chapter Chairman na si John Kyle Enero na pinaghinalaang komunista gamit ang daan-daang posters na ipinaskil sa buong Barangay Sambag 1 sa lungsod ng Cebu noong ika-27 ng Oktubre. Nalaman niya lamang ito matapos ipabatidng kaniyang mga kapartido. Diumano ang nagpakalat nito ay ang Cebu Coalition Against Communist Terrorist na pinaghinalaan si Enero bilang recruiter ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army at pinagbintangan na ang Kabataan Partylist ay tagasuporta ng CPP-NPA. Hindi lamang daw ito ang unang pagkakataon na siya ay na-red tag dahil noong Halalan 2022 ay naging biktima ito ng isang suspected state-sponsored troll account. Dahas na lamang ang naging daan ng ilan upang siraan ang mga kandidato sa halalan dala ng pagiging desperado at mariing pagnanais na ipagpatuloy ang kani-kanilang maruming layunin, gaya ng political dynasty, pangungurap o pangungurakot sa lebel ng barangay, o di kaya’y ang simpleng pagtakbo lamang para sa kasikatan.

Kung susumahin, ang paggamit ng fake news ngayon sa halalan ay hindi na lingid sa kaalaman ng karamihan. Ngunit sa patuloy na pagbilis ng pagpapalaganap nito ay nakatatakot nang maniwala at magpadala sa mga balitang nakikita lamang sa social media at sa tunay na buhay. Ang pagiging mapanuri at kritikal pa rin ang kailangang pairalin lalo na sa mga botante ng bawat halalan, dahil ang paghalal sa isang hanay ng bagong mga pinuno ang magdidikta ng kapalaran, ng kinabukasan, at ng kapupulutan ng bansa mula ngayon at sa susunod na henerasyon.


MGA SANGGUNIAN:

https://www.rappler.com/newsbreak/inside-track/tiktok-influencers-running-sk-elections-same-scripts-boost-government-messages/

https://www.rappler.com/nation/visayas/sangguniang-kabataan-candidate-red-tagged-posters-cebu-october-2023/

https://www.pna.gov.ph/opinion/pieces/776-a-look-at-the-barangay-and-sk-elections-in-the-philippines

https://www.csis.org/blogs/new-perspectives-asia/social-media-misinformation-and-2022-philippine-elections

IBa pang artikulo