Cha-Cha ng Bansa, 'Di Kasayaw ang Masa

Mata Online
NI
NINA
‘Ming Ming’ at ‘Day Day’
AT
Enero 31, 2024

Habang tayo’y nagtatalo sa 299-peso na singsing, may ibang debate sa gobyerno kung saan lahat tayo ay madedehado.        

Mula sa prank nina Ivana at Marian, ngayon naman ay ang edited na PCSO lone winner. Animo’y linggo-linggo ay may bagong entertainment ang masang Pilipino kung saan distracted o, mas mainam na salita’y pinananatiling distracted, ng mga makapangyarihan ang masa mula sa mahahalagang usapin ng bansa. 

Napanood mo rin ba ang commercial na ‘EDSA-pwera’ kung saan sinisisi ng ilang oportunista ang mapayapang EDSA Revolution na nagpaalis sa abusadong diktador na si Marcos at ng kanyang pamilya? Isang biyayang maituturing ang pagpapatalsik sa malupit, naghahari, at mapang-abusong rehimen dahil binigyang-daan nito ang pagbuo sa isang demokratiko, makatao, at gumaganang saligang batas—ang 1987 Constitution.  

Ang konstitusyon ang nagsisilbing pundasyon o basis ng mga umiiral at inihahaing batas sa Kongreso. Kung narinig mo na ‘unconstitutional’ ang isang batas, programa ng isang ahensya, o kahit utos ng presidente, ito ay dahil tumataliwas ang probisyon nito sa mga karapatang itinakda ng 1987 Constitution bilang pinakamataas, pinakamahalaga, at nangungunang batas sa buong bansa. Lahat tayo ay kailangan sumunod dito mula sa desisyon ng mga baranggay hanggang sa pakikipag-ugnayan natin sa mga karatig-bansa.

Ang EDSA-pwera ay isang oportunistikong paraan upang linlangin ang masa, isakatuparan ang People’s Initiative, at pormal na simulan ang Cha-Cha o Charter Change na naglalayong baguhin ang saligang batas. Ito ay isa lamang sa maraming bersyon na nakahain ngayong taon. Isa pang panukala ang inihain ni House Speaker Martin Romualdez–pinsan ni Bongbong Marcos–para baguhin ang economic provisions ng saligang batas. Ilang tulog matapos nito ay may bersyon na rin ng Cha-Cha sa senado.  

Desperado na sila. Gusto nilang palakasin ang ekonomiya pero ang katotohanan sa kaibuturan nito, ang Cha-Cha ay para lamang sa korapsyon, pagkamal ng kapangyarihan, at pagpasok ng mga banyagang nagmamay-ari ng malalaking negosyo. Sa lahat ng ito, dehado ang masang Pilipino.    

Mula nang itatag ang Konstitusyon sa panahon ni Dating Pangulong Cory Aquino, ilang ulit nang itinutulak ang Cha-Cha ng mga nakaraang administrasyon. Naaalala mo pa ang pederalismo ni Dating Pangulong Rodrigo Duterte? Isa itong halimbawa ng Cha-Cha na layong baguhin ang sistema ng gobyerno pero hindi rin nangyari. 

Malinaw pa sa katotohanang ‘di na babalik ang Kathniel ang mga rason kaya’t paulit-ulit naibabasura ang Cha-Cha. Isang pangamba ang pagbali sa batas ng foreign ownership, o ang malayang pagpasok ng mga banyagang negosyante sa ating ekonomiya, at ang paggalaw sa term limits, o haba ng panunungkulan ng mga lingkod-bayan. Sa tulong ng Cha-Cha, makauupo na sa puwesto ang isang opisyal gaano katagal nila naisin—pamilyar hindi ba? 

Ikatlong bersiyon ng Cha-Cha ang people’s initiative. Sa tulong ng pirma ng taumbayan, kaya ding baguhin ng mga Pilipino ang isang batas. Huwag ka na magtaka kaya’t nagkalat ulit ang fake news at malisyosong propaganda laban sa Konstitusyon.

Kung hindi ka pa nababagabag, inilantad ni Albay Rep. Edcel Lagman ang umano’y pakulong ‘nationwide Cha-Cha’ ng ilang kongresista. Sa tulong ng signature campaign sa buong bansa, inaabutan umano ang iba’t-ibang mayor ng mobilization funds para hikayatin pumirma ang kanilang mga botante kapalit ng 100 piso.      

Patuloy ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at dumarami ang nagugutom na Pilipino sa loob at labas ng bansa. Tumataas ang bahagdan ng kawalan ng trabaho kasabay ng lumolobong bilang ng populasyon. Maraming may sakit ang namamatay at hindi nakakikita ng doktor dahil sa palpak na sistema ng pampublikong kalusugan. Idagdag mo pa na dekadang krisis sa edukasyon. Ang lahat ng ito ay pinangakong tutugunan ng administrasyon ngunit repleksyon ang Cha-Cha ng ibang prayoridad ng gobyerno. Mas interesado itong palawigin ang kanilang kapangyarihan at patuloy na gumawa ng korapsyon sa pamamagitan ng huwad at katakot-takot na pangangailam sa saligang batas na pumoprotekta sa mamamayang Pilipino at bansang Pilipinas.    

Hindi ba’t nakasusulasok? Habang tayo ay nanginginain pa ng malamig na spaghetti at mango graham, ginagapang na tayo upang pumirma sa isang probisyong magsisimula ng iba’t-ibang pang-aabuso sa batas. Posible mang maganda ang ilang hangarin sa Cha-Cha, anong aasahan natin sa gobyernong kumikilos mula sa iisang utak at kayang magmaniobra ng maruming pulitika para itaguyod ang pansariling interes?    

Mga sanggunian at karagdagang materyal:

IBa pang artikulo