Choosy ka ba?: Pagkilatis sa Bakunang Made in China

Mata Online
NI
NINA
Peter Garnace
AT
Enero 27, 2021

Sa isang pagdinig sa senado noong Enero 11, 2021 tungkol sa planong malawakang pagbabakuna ng gobyerno, sinabi ni vaccine czar Carlito Galvez Jr. na inaasahan niyang magsimula ang programa bago pa man matapos ang Pebrero. Aniya, mahigit 50,000 doses ng bakuna ang unang dadating sa Pebrero 20. Bagaman mayroon nang inaasahang bilang ng mga bakuna, hindi ibinunyag ni Galvez kung ano ang tatak nito. Gayunpaman, sa parehong araw, sinabi ni Sec. Harry Roque, ang tagapagsalita ng pangulo, na asahan daw ang pagdating ng 25 milyong bakuna mula sa Sinovac ng Tsina. “Ang paunang darating po ay 50,000 doses lang ng vaccine galing sa Sinovac, pero at least, magsisimula pa rin po tayo,” dagdag pa niya. Habang may kalabuan sa pagitan ng mga pahayag ni Galvez at Roque, malinaw namang may kasunduuan na sa pagitan ng gobyerno at isang kompanyang galing sa Tsina. 


Bakit Made in China?

Ang pagkakaroon ng kasunduan sa pamahalaan at Sinovac ay tila taliwas sa sentimyento ng nakararaming Pilipino. Sa pag-aaral na inilabas ng Social Weather Stations (SWS) noong Nobyembre ng nakaraang taon, bumaba ang tiwala ng mga Pilipino sa Tsina. Mula sa bilang na -27 noong 2019, naging -36 na lamang ito noong 2020. Maliban sa palagay ng publiko sa Tsina, malaking hamon din sa pandemya ang tiwala at kumpiyansa ng mga mamamayan sa pagbabakuna. Sa isa pang pag-aaral na inilabas ng Pulse Asia, mahigit kalahati o 47% sa mga naisarbey ang nagsabing hindi sila magpapabakuna kontra-COVID-19.       


Sa kaniyang privilege speech noong Enero 18, 2021, mariing idiniin ni Sen. Panfilo Lacson ang malinaw na pagkiling ng gobyerno sa bakunang gawa sa Tsina. Ipinunto niya ang pagpabor ng pamahalaan sa Sinovac na mayroon lamang 50.4% efficacy rate, napakalayo sa mga ibang bakuna kagaya ng Pfizer na may 95% efficacy, Moderna na may 94.1% efficacy, at Astrazeneca na may 70% efficacy. Inusisa rin ni Lacson ang presyo ng Sinovac kung saan ikinumpara niya ang presyong inilathala ng DOH sa mga presyo ng karatig bansa. Sa Indonesia, ang isang turok ng Sinovac ay nagkakahalaga ng 200,000 Indonesian Rupiah (US$13.57) o P683.30 habang sa Thailand naman ay nakipagkasundo sa halagang $5 o P240.00. Napakalayo ng mga presyong ito sa P1,814.75 hanggang P3,629.00 na inilaan ng DOH sa kada turok ng bakuna. 


Kung susumahin, aabot sa 300% hanggang 1500% ang maaaring maging patong sa presyo ng kada bakuna. Pumapaibabaw sa mga agam-agam na ito ang pagsubok na kumurakot ang iilan, lalo at papalapit na ang eleksyon sa 2022. Sa mga pigurang ito, ang sinumang nasa matinong pag-iisip ay mapapakamot na lamang ng ulo sapagkat sa dinami-raming pagpipilian, bakit yung made in China pa?

         

Bawal Choosy?        

“Totoo po, mayroon tayong lahat ng karapatan para sa mabuting kalusugan pero hindi naman po pupuwede na pihikan dahil napakadaming Pilipino na dapat turukan;” ito ang naging pahayag ni Roque nang tanungin siya kung papayagan ba ng gobyernong mamili ng bakunang ituturok ang mga Pilipino. Kaagad naman itong umani ng batikos sa social media. Sa Twitter, marami ang umalma dahil sa mga pahayag ni Roque. Makikita sa Pigura 1 ang sampung salitang pinakamadalas na ginamit sa Twitter kaugnay ng paksang “bakuna.” Sa pagsusuring ginawa, lumalabas ang mga salitang: “choosy,” “panlaba,” “sabong,” “maisaksak,” “gobyerno,” “vaccine,” “covid,” “sinovac,” “duterte,” at “pera.”


Pigura 1. Word Cloud ng mga salitang may kaugnayan sa paksang bakuna.


Para sa mga netizens, pera ng taumbayan ang ginagastos ng pamahalaan sa pagbili ng mga bakuna kaya mayroong karapatang mamili ang bawat mamamayan sa kung ano ang sa tingin nila ang ligtas at epektibo. Ayon kay Anna Collins, isang Twitter user, “di pa rin ako makapaniwala doon sa hindi tayo pwede maging choosy sa bakuna na ibibigay sa atin kontra COVID19. Kami po magbabayad niyan with our taxes and ultimately our health.”


Malakas ang sigaw ng mga mamamayan para sa mas ligtas at epektibong bakuna. Gayundin ang pagkakaroon ng malinaw na kasunduan sa pagitan ng pamahalaan at mga kompanyang nagbebenta nito. Klaro sa mga pag-aaral na mahina ang kumpiyansa ng mga Pilipino sa Tsina at maging sa mismong pagbabakuna. Kung nais ng pamahalaang agarang masugpo ang pandemya, huwag silang pumili ng bakunang mas kinatatakutan ng nakararami. Higit sa lahat, hindi maaaring pagbawalan ng pamahalaan ang bawat Pilipinong pumili ng bakunang sa tingin nila ay mas ligtas, mabisa at mapagkakatiwalaan. Sapagkat sa huli, ang mamamayan pa rin ang magdurusa sa anumang kapalpakang magmumula sa pagpasya ng pamahalaan.

IBa pang artikulo