It’s Not That Deep, Bro

Mata Online
NI
NINA
Kerima Sonaco
AT

Isa ako, at malamang ay ikaw rin, sa milyun-milyong taong mayroong account sa mga social media sites katulad ng Twitter, Facebook, at Instagram—ang mistulang trifecta ng social media. Bihira ng makakilala ng taong walang account sa kahit sa isa sa mga websites na ito. Sa pag-usbong ng mga social media applications ay kasabay nito ang dahan-dahang pagmulat ng mga mata ng ating lipunan tungkol sa sari-saring mga usapin. Sa bawat araw, oras, o kahit minuto na lumilipas, ay patuloy ang paglabas ng mga pinaka-bagong kaalaman, chismis, o simpleng katatawanan lamang.

Mayroon akong pag-amin na nais ibahagi: dahil sa social media, nagkakaroon ako ng materyales bilang panimulang paksa tuwing mayroon akong kausap, sa tunay na buhay man ito o online. Nagagamit ko ang mga iba’t ibang pahayag—ang samu’t saring mga post o tweet—na nababasa ko sa aking timeline o feed bilang pangbati. Sa pagtagal ng oras na ako’y nakatitig sa screen ng aking kompyuter o cellphone, mas madaming isyu ag aking naitatabi sa aking isipan upang maibahagi sa mga susunod pang talakayan na ako ay magiging parte.

Isa pang pag-amin: dahil sa social media, nag-iba ang aking pakikitungo at pakikipagkapwa. Dahil sa social media, ako ay mas nagkaroon ng malay sa aking mga sasabihin kung ikukumpara noon. Hindi maaari na hindi ko lubos na pag-iisipan ang aking bawat sagot sa aking mga magiging kausap. Higit na nag-iba ang mga salita at kaisipan na lumalabas mula sa aking bibig, sapagkat maaaring hindi kami magtutugma ng paniniwala ng aking kinakausap. Dahan-dahan na ang aking pagpili sa bawat salita, hindi ko na binabasta-basta ang aking pagsagot upang hindi magmukhang padalos-dalos ako at walang pakialam sa kung ano man ang kaniyang maaaring maramdaman. Taglay na kapangyarihang ng social media ang makapagbigay impormasyon na maaring makaapekto sa pansariling pananaw ng isang tao. Nagagawa nitong ibahin ang matagal nang pinaniniwalaan ng isang tao, at minsan nagagawang imulat sila sa katotohanan na hindi tama ang kanilang pinaninindigan. Sa panahong ang teknolohiya ang isa sa mga pangunahing paraang ang isang lipunan ay nagkakaisa, isa itong malaking plataporma na maaaring gamitin upang ang bawa’t isang indibidwal ay marinig, matuto, at higit sa lahat, maipalam sa nakararami ang kaniya-kaniyang pinaniniwalaang tama at mali.

Tigil na sa pag-amin, kung hindi isang pagmumuni-muni: dahil sa social media, nawala na ang karapatang maging simple. Hindi sa aspetong pisikal, kung hindi sa pakikitungo sa mga tao. Hindi na maaring manatiling wala kang alam o kaya piliing manatili sa kalagitnaan. Sa libu-libong isyu na araw-araw ay nababasa at naririnig, imposibleng wala kang papanigan at kung piliin ang pagkakaroon ng walang opinyon, malaki ang posibilidad na mahusgahan bilang walang pakialam sa lipunang kinabibilangan. Kukutyain ang bawat salita at galaw na lalabas sa ilalim ng iyong username—o pangalan, at ng hindi mo namamalayan, ang akala mo’y isang maliit na bagay lamang ay ang nagsilbing sindi sa isang naglalagablab na sunog.

Isang platapormang naituring na para sa lahat ay naging pugad ng mga mangungutya at nagpapanggap na makata. Madalas na sinasabing madaling manghusga kapag ito ay ginawa sa likod ng tao—higit pa siguro kung isasagawa sa platapormang sangkot ang libu-libong tao. Oo, naniniwala ako na dapat lamang itama—ayusin, pagandahin, ipakitang mali—ang mga pananaw na hindi kanais nais sa pinaninindigan ng iba, ngunit kailangan nga bang umabot sa punto na may panglalait na magaganap laban sa pagkatao ng kapwa?

Mula sa Matanglawin Tomo XLIV Blg. 1: Paghawan ng mga pakiwari

Maaring basahin ang buong isyu rito.


IBa pang artikulo