
Noong ika-29 ng Mayo, pagpatak ng alas-9 ng gabi, naglabas ang The GUIDON—ang opisyal na publikasyon ng mga mag-aaral ng Pamantasang Ateneo de Manila—ng isang artikulong pang-opinyon ukol sa hindi maikakailang gampanin ng neoliberalismo bilang isang instrumento para sa kalayaan at pag-unlad. Mula rito, samu’t-saring opinyon din ang bumunga mula sa mga netizen dahil sa nakababahalang nilalaman ng artikulo.
Tumutukoy ang sistemang pang-ekonomiya ng “neoliberalismo,” na pakana ng mga naghaharing imperyalistang kapangyarihan sa daigdig, sa isang bagong anyo ng liberalismo na pumapabor sa kapitalismong namamayani sa mga makapangyarihang bansa. Sa pamamagitan nito, naipalaganap ang neoliberalistang pananaw sa iba’t ibang panig ng daigdig na nagbibigay-laya sa mga higanteng kapitalista na magpatong ng hindi makatarungang tubo at magkamal ng kapital sa pamamagitan ng pananamantala sa likas na yaman, rekurso, at murang lakas-paggawa ng mga maliliit at sadlak sa krisis na bayan. Subalit, taliwas sa naging epekto nito sa ekonomiya, ang nais nilang idiing paniniwala ay ang kapangyarihan nitong iangat ang Pilipinas sa kahirapan.
Nagsimula ang pagsasakatuparan ng mga patakarang neoliberal sa Pilipinas sa ilalim ng diktadura ni Ferdinand Marcos Sr.. Noong taong 1972, itinayo ang kauna-unahang Export-Processing Zone sa bansa, partikular na sa Bataan, na naghahain ng murang lakas-paggawa sa mga dayuhang kapitalista—isang pagpapaigting sa malakolonyal at malapyudal na pagsasamantala sa mga uring manggagawa’t magsasaka. Sa kalaunan, dulot ng matinding krisis sa larangan ng politika at ekonomiya noong panahon ng rehimeng Marcos Sr., ipinagpatuloy at pinaigting nina Corazon Aquino, Fidel Ramos, Joseph Estrada, Gloria Macapagal Arroyo, Noynoy Aquino, at Rodrigo Duterte ang mga patakarang neoliberal na umaalipin sa masa.
Lingid sa kaalaman ng nakararami, malaking suliranin ang neoliberal na pag-atake at panggigipit sa mga magsasaka, manggagawa, at pambansang minorya. Napag-iiwanan at naghihirap lamang ang mga magsasakang Pilipino—lalo na ang mga maliliit na magsasaka—dahil nananatiling walang sariling lupa ang nakararami sapagkat mas pinaiigting ng neoliberalismo ang monopolyo sa lupa ng mga lokal na panginoong maylupa. Bukod dito, lantaran din ang aksyong pag-eempleyo ng mga korporasyon sa mga manggagawang bukid kapalit lamang ng munting salapi. Ang masaklap pa rito, hindi rin kaaya-aya ang kondisyon ng mismong trabaho nila dahil kulang sa pagiging-kongkreto ang mga patakaran mula sa pamahalaan gaya ng DA, DAR, at DOLE.
Samantala, hanggang ngayon, tila nananatiling mababa at ‘di nakabubuhay ng pamilya ang isinasahod ng mga manggagawa habang patuloy ang pinansyal na pag-unlad ng mga kapitalista. Patuloy pa rin ang paglaganap ng kontraktuwalisasyon bunsod ng pangangailangan ng mga kapitalistang kagyat na makapagkamal ng tubo. At higit sa lahat, mas nananaig lalo ang panggigipit at pagdidiskrimina sa mga pambansang minorya gayundin ang pagkupkop ng lupain ng mga magsasaka at mga katutubo dahil sa lakas at makinarya ng mga banyagang negosyo at malalaking korporasyon na pinakikilos ng neoliberalismo.
Habang pinaiigting ng isang neoliberal na sistemang pang-ekonomiya ang malakolonyal at malapyudal na pagsasamantala sa uring manggagawa’t magsasaka at pambansang minorya, tumitindi rin ang pagsasamantala sa mga mag-aaral at kabataang Pilipino. Matapos lumaganap ang kaayusang neoliberal sa agrikultura at industriya, sinimulang ahasin ng mga patakarang neoliberal ang batayang karapatan sa edukasyon ng mga kabataan na nakasaad sa Saligang Batas ng Pilipinas ng 1987. Bunga nito, ang sistema ng edukasyon sa bansa ay ilang dekada nang nasadlak sa tatlong mapagsamantala at hindi makamasang katangian: pribatisado, korporatisado, at komersyalisado.
Ang pangunahing katangian ng pribatisasyon, korporatisasyon, at komersyalisasyon ay ang pagbabawas ng pondo sa pampublikong edukasyon samantalang hinihikayat ng pamahalaan ang kalayaan ng pampribadong edukasyon na umunlad sa kamay ng mga higanteng kapitalistang lokal. Sa kabila ng kawalan ng abot-kayang edukasyon, ipinatupad ng pamahalaan ang anti-tersiyaryong K to 12 Program na siyang tanging layunin ay hulmahin ang kabataang Pilipino bilang mapagkukunan ng maamo at murang lakas-paggawa. Dagdag pa rito, instrumento ang neoliberalismo sa pagpapatupad ng mga anti-demokratikong polisiya sa mga paaralan upang tuligsain at kitilin ang progresibong kamalayan ng mga mag-aaral na tumutugon sa kasalukuyang hamon ng lipunan.
Sa kabila ng deka-dekadang pagkalugmok ng sambayanang Pilipino sa sistema ng neoliberalismo, pinahihigpit at pinayayabong ng kasalukuyang rehimeng Marcos-Duterte ang kaayusang neoliberal ng lipunan. Sa sektor ng edukasyon, ipinatupad ng administrasyon ang malakihang pagbabawas ng pondo sa mga State Universities and Colleges (SUCs) na kaakibat ng Tuition and Other Fees Increase (TOFI) sa mga pampribadong paaralan. Sa larangan ng paggawa, nananatiling bingi ang administrasyon sa panawagan ng mga manggagawa’t magsasaka para sa sapat at nakabubuhay na sahod. Ang tanging naging tugon ni Marcos Jr. sa mga kagyat na isyung kinakaharap ng mga mamamayan ay magliwaliw sa mga dayuhang imperyalistang bayan upang ilako ang rekurso at murang lakas-paggawa ng bansa sa kapitalistang pananamantala. Priyoridad din ng rehimeng Marcos-Duterte ang Charter Change o pag-amyenda sa Konstitusyong 1987 upang ipatupad ang 100% foreign ownership na siyang tuluyang magpapalaya sa mga dayuhang korporasyon na pumasok sa bansa at lubos na pagsamantalahan ang mga manggagawa, magsasaka, at kabataang Pilipino.
Mula rito, masasabing kailanman ay hindi magiging mapagpalaya ang neoliberalismo sapagkat mapagpalaya lamang ito sa mga naghaharing uri—ang “kalayaan” na hangad ng neoliberalismo ay ang kalayaan para abusuhin at pagsamantalahan ang mga ordinaryong Pilipinong walang kalaban-laban. Sa halip na palayain ang masang api, nagsisilbi itong bilangguang kontrolado ng mga imperyalista at lokal na naghaharing uri—isang banta sa tunay na pambansang demokrasya. Kung titingnan ang neoliberalismo sa isang positibong lenteng nakatuon sa mga “bentahe” nito, tulad na lamang sa ginawa ng artikulong pang-opinyon ng The GUIDON, nararapat na isaalang-alang at paulit-ulit na sagutin ang tanong na “para kanino?”. Sa ganitong paraan, maitutulak natin ang malalimang pagmulat ng sarili sa katotohanan ng lipunan at mapagtatanto kung para kanino nga ba talaga ang “kalayaang” handog ng neoliberalismo.
Bagaman taglay ng bawat Pilipino ang kakayahang ipahayag ang kani-kanilang opinyon at pananaw sa lipunan, mahalagang alalahanin na may kaakibat na tungkulin ang kakayahang ito hindi lamang sa pagtiyak sa katotohanan ng mga salitang bibitawan kundi pati na rin sa kung papaano nito maaapektuhan ang masa. Sa paglalayon ng katotohanan at pagsisilbi sa mga ordinaryong Pilipino, nararapat lamang na maihiwalay ng mga mamamahayag ang kanilang mga personal na interes sa mga artikulong kanilang ilalabas. Bilang isang publikasyon, higit na mabigat ang tungkulin upang katawanin at isabuhay ang mga prinsipyong itinataguyod ng ating edukasyon.
Sa lente ng nangyayari sa bansa sa kabuuan, nararapat na busisiin ng bawat mamamahayag kung kaninong katotohanan ba ang ninanais nilang ipamulat sa masa. Malawak at malalim ang hatak ng kapangyarihan ng mga mamamahayag sa paghuhulma ng kamalayan ng lipunan—kaya’t mas pinaigting din ang impluwensiya at pribilehiyong taglay ng mga publikasyon at mamamahayag. Sa mga salita at paniniwalang papanindigan ng mga mamamahayag, katumbas nito ang kakayahang tumulong sa pananamantala ng mga naghaharing uri o paigtingin ang laban ng mga nasa laylayan ng lipunan. Gayunpaman, alinsunod sa moral na paggamit sa plataporma ng mga publikasyon, mahalagang alalahanin na ang hangganan ng mga opinyong katanggap-tanggap na ipapahayag ng mga periyodista ay nagtatapos sa nakapipinsala nitong epekto sa buhay at adbokasiya ng mga marhinalisadong sektor na kanilang pinangakuang pagsisilbihan.
Sulat nina Pat Balais, Arjun Plomates, at Jennery Velasco
Sining ni Zanti Gayares