Nanawagan ang mga miyembro ng komunidad ng Ateneo ng higit na paglilinaw at pakikilahok sa pagtatakda ng mga polisiya ng Unibersidad matapos ipatigil ang pagsasaayos ng North Carpark dahil sa naging malawakang pagtutol sa paaralan.
Hinikayat ng mga mag-aaral, guro, at alumni ang mga opisyal ng Pamantasan sa isang talakayan nitong Miyerkules, ika-31 ng Enero na magsagawa ng mas maraming diyalogo, kasabay ng pagtulak ng mga proyektong para sa mobility na alinsunod sa pagsisikap ng Ateneo na maging isang Laudato Si’ na pamantasan.
Unang inanunsyo ang ipatigil na proyekto nitong Disyembre 2023, kung saan aabot sa 82 na puno – na tinutukoy na invasive species – ang puputulin para sa pagpapabuti ng mga pasilidad, pagsasaayos ng pedestrian access, at pagdaragdag ng 52 na parking slots sa parehong espasyo.
Ayon kay Fr. Roberto Yap, SJ, Pangulo ng Unibersidad, magpapatuloy ang administrasyon ng unibersidad sa masusing pagsaalang-alang mga puntong iginiit sa talakayang tungkol sa inilarawan niyang "mahirap at kumplikadong" isyu, habang nakabinbin pa ang pinal na desisyon sa magiging kapalaran ng naturang proyekto.
Kasabay ng panawagan para sa patuloy na pakikilahok sa mga usapan, binigyang-diin ni Bernice Amanda Mendoza, Pangulo ng Sanggunian, ang pangangailangan na tiyakin na lahat ng mga Atenista ay "may sapat na kaalaman, kasangkot, at kasama" sa mga proyektong nakakaapekto sa buong komunidad, tulad ng pagsasaayos sa North Carpark.
“The University needs to include and prioritize the perspectives of the stakeholders who will be most affected by this project—our students, faculty, employees, and workers, but even more our commuters and pedestrians—in an interactive decision-making structure,” giit niya sa pagbasa ng position paper na ginawa ng mga estudyante.
Ilan sa mga inihahaing mungkahi ay ang pagbuo ng isang technical working group kasama ang iba’t ibang sektor sa pagbalangkas ng mga plano para sa mobility, pagbabawas ng mga kotseng pumapasok sa kampus, at pagsama sa panig ng mga magulang at mga nasa basic education sa patuloy na diyalogo.
Para naman kay Dr. Remmon Barbaza, propesor mula sa Kagawaran ng Pilosopiya, kinakailangan ng pagtulak sa Laudato Si’ ang radikal na pagbabago sa paraan ng pamumuhay na patuloy na isinusulong ng komunidad sa kanilang mga usapan.
““Hindi nagpahayag ng pagtutol ang mga nagprotesta para mag-ingay lamang. Maraming kongkretong proposals, maraming ideya, maraming pag-aaral…Ang daming ideya mula sa community,” saad niya, sabay sabing kinakailangan pa ng mas mahabang panahon para sa mga konsultasyon.
Samantala, humingi ng paumanhin sa komunidad si Rodolfo Ang, Vice President for Administration, dahil sa kakulangan ng konsultasyon, kung saan nilinaw niyang walang masamang intensiyon ito at ang proyekto ay hindi nagmula sa pangangailangan para sa karagdagang parking slots.
“We just didn’t think it would need that much consultation, because in the grand list of all the projects we are embarking on, it is one of the smaller projects… We realize now that we are wrong, and we have committed that for all future projects we will consult,” paliwanag ni Ang, kasabay ng paghingi ng paglilinaw kung aling mga proyekto ang dapat pagtuunan ng diyalogo.
Nagpahayag naman ng pag-asa si Dr. Mary Racelis, propesor mula sa Kagawaran ng Sosyolohiya at Antropolohiya na kabilang sa Blue Ribbon Movement, sa naging resulta ng talakayan, kasabay ng pagsisiguro na itutuloy ng kanilang grupo ang panawagan para sa konsultasyon at konkretong aksyon, kabilang ang kanselasyon ng proyekto.
“If they continue it, then the mobilization will really be big, because if they haven’t heard after all that and they still do it, I think that means that they aren’t really listening,” giit niya.