Lulan ang pagbaba sa burol

Mata Online
NI
NINA
Romeo Descalso III
AT

Kuha ni Romeo Descalso III.

Hindi bago sa pandinig ng karamihan, lalo na sa mga Atenista ang hamon ng Down from the Hill o ang pagbaba mula sa burol. Halaw ito mula sa kantang Mary for You, ang school hymn ng Ateneo de Manila, na isa sa mga paglalarawang inaasahan ng unibersidad na gawin ng mga mag-aaral nito makatapos grumadweyt. Pinapaalala nito ang gampanin ng mga Atenista na magbalik-loob sa pamamagitan ng pagbibigay at tulong sa mga nangangailangan. Isa itong pagkakatawan sa mga Ignatian values na nais idulot ng edukasyon sa paaralan, katulad ng pagiging Men and Women for and with others, cura personalis, at Magis.

Subalit, hindi maipagkakaila ng karamihan na sa kabila ng mga nangyayari sa ating lipunan, nananatiling bulag o nagbubulag-bulagan ang iilan sa ating mga kaibigan. Nagmimistulang hindi natitinag ang iba sa kalubhaan ng mga pangyayari. Mayroong iilan na ipinagkikibit-balikat ang mga ito at sinasawalang bahala. Hindi na bago ang mga ganitong tagpo— mayroong mga Atenistang nabubulag sa sinag ng araw sa taas ng burol at sadyang hindi na bumababa sa kanilang kinakatayuan at sinasabing hindi ito kanilang problema; kung gayon, bakit nila ito kailangang problemahin?

Ang ganitong mga kaisipan ng mga Atenista ang maaring naging mitsa ng pagluwal ng mga stereotypes kahalimbawa ng pagiging elitista, conyo, maarte, mayaman, at walang pakialam sa lipunan. Ganito ang pagturing ng nakararami sa mga estudyanteng katulad natin sa unibersidad na ito. Nagmimistulang piyesta ng katatawanan, pangdidiri, at pangungutya ang nangyayari sa social media na kinapapaksaan ng mga Atenista. Mula sa Dante Gulapa challenge sa Red Brick Road hanggang sa mga personal na tweet ng isang Atenistang niregaluhan ng laptop, hindi nakalalagpas sa mga panghuhusga ang ganitong kultura sa Ateneo. Hindi man sa nilalahat, mayroon talagang sapul sa mga katangiang ito, ngunit mayroon ding iilan na hindi nasasaklaw.

Gayunpaman, nakababahala ito, hindi lamang sa imahen ng mga estudyanteng katulad natin pero pati na rin sa pagkatao ng mismo ang ganitong pag-uugali. Bilang mga magiging politiko, abogado, doktor, at iba pang mga propesyonal kinabukasan, hindi maaring magpatuloy ang ganitong mga pag-iisip. Kinakailangan ng lipunan ang mga taong bababa sa burol upang makasama ang karamihan at matulungan ito. Hindi ito utang na loob, isa itong kusang loob.

Para magawa natin ito, isang malaking hakbang sa pag-uunawa nito ang mismong pag-unawa sa burol na kinatatayuan. Isang magandang halimbawa ang talumpating ibinigay ni Reycel Hyacenth N. Bendaña, Valedictorian ng Class 2019 ng pamantasan, kung saan kaniyang kinuwestiyon, unang-una ang pagkakaroon ng burol at kung paano ito ang paglalarawan ng mga inhustisya sa ating bansa— na mayroong nakatataas at mayroong lugmok sa ibaba. Ang pagkuwestiyon niya sa burol na ito ay isang pagkilala ng gampanin ng yaman at kapangyarihan sa pagpapaangat ng katayuan ng isang indibidwal. Sa gayun, mayroon ding maiiwan sa ilalalim dahil sa kakulangan ng mga naibanggit, kung saan nais nating bumaba.

Sa kasalukuyan, ang totoong hamon ay hindi sa kung paano tayo makabababa sa burol, sapagkat maraming paraan ang maaring tahakin ng bawat isa. Mayroong mga Atenistang nakikibaka sa mga mobilisasyon at mga kilusan. Kahit ang pamantasan mismo ay naghahawan ng mga daan upang maitulay ang mga Atenista, isa rito ang mga immersion programs sa pamamagitan ng BINHI, PUNLA, JEEP, at NSTP-Plus program. Subalit, kung hindi bukas-isip at tama ang pag-unawa ng katuturan ng mga programang ito, at magmimistulang pang Instagram lamang o pang-credentials at rekisito sa kurso, mababalewala ang esensya nito. Dapat isapuso at isaisip ang mga bertud na lulan ng mga ito.

Subalit hindi nagtatapos sa paaralan ang pagbaba sa burol. Ang totoong hamon ay kung ano ang maidudulot nating nga Atenista sa ating pagbaba at kung hanggang saan ang kaya nating babain. Sa paglipas ng panahon at sa pagkalunod natin sa agos ng buhay, ang pag-alala sa pedadohiyang ito ang magiging kalaban.

Ang pagiging prestihiyosong pamantasan ng Ateneo ay hindi lamang isang luho— isa itong malaking oportunidad na turuan ang mag-aaral kung ano ang tama at nararapat. Bilang daungan ng mga anak ng nasa kapangyarihan at kayamanan, isa itong daan upang mabago ang mga tanawin ng ating lipunan. Sa paghubog at pag-ukit ng mga ito, nariyan ang ating pag-asang hindi tayo nakalilimot. At sa ating pagbaba, bitbitin natin ang iisang pangarap— na balang araw ay ating papatagin ang burol.

Mula sa Matanglawin Tomo XLIV Blg. 1: Paghawan ng mga pakiwari

Maaring basahin ang buong isyu rito.

IBa pang artikulo