Matamis na Dise-sais: Panggagahasa'y Bigyan ng Makatarungang Paglilitis

Mata Online
NI
NINA
Sophia Andaya
AT
Marso 31, 2022

Noong ika-4 ng Marso 2022, inaprubahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act No. 11648. Isinasaad ng batas na ito na ang edad na pagbabasehan kung ang pakikipagtalik ay maituturing na statutory rape o ang age of consent ng ating bansa ay itinaas na sa 16 mula sa noo’y 12 anyos.

Isa ang ating bansa sa may mga pinakamababang age of consent sa buong mundo. Dahil dito, madaling abusuhin at pagsamantalahan ang mga kabataan. Bukod sa wala pa silang muwang, wala rin silang magagawa kung nakatatanda ang pumipilit na makipagtalik sa kanila.

Ayon sa National Baseline Study on Violence against Children mula sa Council for the Welfare of Children noong 2016, 1 sa bawat 4 na kabataang Pilipino ang nakaranas na ng anumang uri ng seksuwal na karahasan. Kalimitan sa mga nakararanas nito ay 13 hanggang 17 anyos; at ayon sa Philippine Commission on Women, karamihan sa kabataang biktima ng panggagahasa ay 13 hanggang 15 anyos. Isang pag-aaral naman noong 2015 ang nagsasabing 21.5 porsiyento ng 3,866 na kabataang Pilipino mula sa edad na 13 hanggang 24 anyos ay nakaranas na ng seksuwal na karahasan sa kanilang kabataan.

Sa pamamagitan ng pagtaas ng age of consent sa Pilipinas, mas mapoprotektahan ang ating kabataan mula sa panggagahasa at seksuwal na karahasan, lalong-lalo na mula sa mga matatanda. 

Ipinaglalaban na ng mga aktibista sa Pilipinas ang pagtaas ng age of consent mula pa noong 1980, ngunit patuloy itong hindi pinapansin. Tsaka lamang ito tinugunan makalipas ang 91 na taon mula noong inaprubahan ang Revised Penal Code. Ayon kay Patrizia Benvenuti, ang child protection chief ng UNICEF Philippines, marahil ito ay dahil sa kakulangan ng edukasyon at pagkakaunawa ng mga mambabatas at ng mga karaniwang mamamayan sa cognitive development ng isang bata at ang kakayahan nilang magbigay ng informed consent.

Ikinagagalak ng marami ang malaking hakbang na ito ng gobyerno dahil mabuti itong pagbabago upang maipagtanggol ang kaligtasan ng mga kabataang Pilipino.

Ngunit kahit naaprubahan na ang batas na ito, hindi pa rin tayo dapat maging kampante. Dapat imungkahi pa rin natin sa ating gobyerno na patatagin nila ang mga batas na nagpoprotekta sa isang bata upang tuluyan nang mawala at mabawasan ang karahasan laban sa kanila. Magagawa lamang ito sa pamamagitan ng lubusang pag-aaral ng gobyerno tungkol sa mga pangangailangan ng kabataan, at pagpapatupad ng mga programang magpapaigting sa kanilang proteksyon. 

Dapat ding magkaroon ng mas malawak na kaalaman ang sambayanang Pilipino tungkol sa kakayahan ng isang batang makapagbigay ng informed consent, upang mawala na ang kaisipan na “pumayag ka naman, bakit ka nagrereklamo ngayon?” Bilang isang bata, hindi pa nila naiintindihan at hindi pa sila marunong gumawa ng mga desisyon tungkol sa mga bagay na kulang pa ang kanilang kaalaman. Madali rin silang makumbinsi, at madali silang mauuto ng mga mas matatandang may masamang balak. 

Ngunit, mahalagang tandaan na ang pagpapatupad ng batas na ito ay isa pa lamang na hakbang patungo sa tamang landas—malayo-layo pa ang ating tatahakin.

Ayon sa nasabing pag-aaral noong 2015, kalimitan ay nasa bahay mismo ng bata ang may sala pagdating sa seksuwal na karahasan o panggagahasa—katulad ng ama, kapatid na lalaki, o ng madrasta. Ngayong Women’s Month, dapat nating lalong pahalagahan ang ating kababaihan sa pamamagitan ng pagrespeto sa kanila at sa kanilang mga anak. Ang pag-iingat sa kabataan ay ang pag-iingat sa kinabukasan ng bayan, at dapat silang pahalagahan bilang kapwa mamamayan ng ating bansa. Dapat din nating ituro sa ating mga pamayanan ang pagpapahalaga at pagrespeto sa kabataan—nagsisimula ito sa sarili nating bahay.

Sa pamamagitan ng batas na ito, naiaalis ang sala mula sa kabataan o sa biktima, at naililipat ang responsibilidad sa may sala. Unti-unting naalis ang victim blaming sa ating lipunan, at ang kultura kung saan napipilitan na lamang tumahimik sa takot ang biktima. Mahalagang maituro sa mga tao na makatutulong sa paghahasik ng hustisya ang pagsasalita o pagsumbong. Ngunit hindi dapat ito sapilitan. Dapat nating alisin sa isipan ng kabataan ang ideya na kapag sila ay may pinagdadaanan, dapat nananahimik lang sila. 

Sa pamamagitan ng batas na ito, ang seksuwal na karahasan at panggagahasa’y unti-unting nabibigyan ng mas makatarungang paglilitis, at nakapaglilikha tayo ng mas ligtas na lipunan para sa ating kabataan at sa mga susunod na henerasyon. Ngunit hindi dapat dito magtatapos ang panawagan natin. Mahalagang tandaang menor de edad pa rin ang edad na 16. Kung tunay nating gustong protektahan ang kabataan, mahalagang mas maitaas pa natin ang edad sa 18 o 21.

IBa pang artikulo