Paggunita sa EDSA People Power Revolution @ 38

Mata Online
SULAt NINA
Arjun Pilomantes
SINING NINA
Jennery Velasco

Isang paalala ang paggunita ng ESDA People Power Revolution sa halaga ng dalisay na pagkakaisa ng mamamayang Pilipino. Tatlumpu’t walong taon na ang nakalipas, nauukol pa rin sa paksa ang pagbubunyi ng EDSA-PPR dahil tila sapilitang naiiba ang kasaysayan nito, at marami pa rin ang hindi nauunawaan ang naging malaking gampanin nito sa kasaysayan ng ating Pilipinas. Marahil, maitatanong natin sa ating sarili: Tunay nga bang nagtagumpay ang EDSA-PPR kung ang mamamayan nito’y nababaon sa limot?

Tinagurian ang rehimeng Marcos Sr. na golden era dahil sa mga nagsisitaasang imprastraktura at pag-usbong ng ekonomiya. Ngunit sa likod ng mga gusali at gintong ito, lantad ang katiwalian di lamang sa pera ng taong bayan, gayon na rin sa kanilang karapatang pantao. 3,200 ang pinaslang; 34,000 ang pinahirapan; 70,000 ang kinulong. Nakataga sa bato ang mga pigurang ito; ngunit, hindi ito nabibigyang katarungan dahil sa mapagkunwaring kamangmangan ng ilang mamamayan at mga taong nasa kapangyarihan. Idagdag mo pa riyan, hindi na tinaguriang holiday ang Pebrero 25 na nilagdaan ni Pangulong Marcos Jr. sa kanyang Proklamasyon Blg. 368.

Sa kasalukuyan, patuloy lamang na hinihila ang bayan tungo sa laylayan sa pagbabalik ng anak ng pinatalsik nating diktador sa kapangyarihan—isang tahasang pagtalikod sa mga karumal-dumal na pangyayari noong nakaraan. Tila naibaon na sa limot ang bilang ng mga buhay na inalipin, kinitil, at binusabos ng rehimeng Marcos, ibinabasura ang ipinaglaban ng mga Pilipino para lamang makamit ang kalayaan mula sa mapaniil nilang mga kamay.

Gayunpaman, nawa’y hindi natin hayaang tuluyang mawalan ng saysay ang kalayaang ipinaglaban ng sambayanan.

Ngayong ika-38 pagdiriwang ng EDSA People Power Revolution, tayo ay magbalik-tanaw sa buong tapang na pagtindig ng ating mga kapwa mamamayang Pilipino laban sa diktadurya ng rehimeng Marcos. Ating alalahanin ang sakripisyong kaakibat ng pakikipaglaban ng ating mga kapwa mamamayang Pilipino para sa kalayaan. Dugo at pawis ang ibinuwis ng kolektibong masang aping pilit na sinupil ng nasabing diktadurya. Humigit kumulang libo-libo sa kanila ang hinuli, kinulong, tinortyur, at pinatay sa kalagitnaan ng rebolusyon, pilit silang pinatatahimik alang-alang sa pagpapanatili ng kanilang kapangyarihan. 

Kung tutuusin, mapayapang paraan ng pagbabago ang kanilang layunin subalit karahasan ang naging tugon ng administrasyon. Hindi ba pamilyar? Sapagkat paulit-ulit pa rin itong nangyayari hanggang ngayon — mula sa walang pakundangang red-tagging, biglaang pagdakip, hanggang sa pagkitil ng buhay at pagtapak sa karapatan ng ating mga kapwa Pilipinong lumalaban at naghahayag ng boses ng bayan.

Mula rito, marapat na hindi natin sayangin ang kanilang ipinaglaban. Bagkus, ipagpatuloy natin ito sapagkat hindi pa ito ang huling EDSA hangga’t hindi natatapos ang lantarang pamamasistang bumubulabog sa masa. 

Hindi dapat manatiling pawang alaala na lamang ang araw na kinandado ang pinto para sa madugong diktadurya sapagkat hangga’t may boses na hindi dinidinggin, patuloy lamang iigting ang sigaw ng bayan. 

Sa paggunita sa ika-38 anibersaryo ng ating matagumpay na paglaya mula sa tanikala ng diktadurya, patuloy nating alalahanin ang taglay na kapangyarihan ng nagkakaisang Pilipino. Huwag na natin hayaang mabuksan pa ang pintong ating kinandado noon kung ayaw nating tayo pa ang mismong mabilanggo sa sarili nating bayan.

IBa pang artikulo