Dalawang araw pa lamang makalipas ang ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay hinagupit ng sakunang dulot ng Super Typhoon Carina at hanging habagat ang malaking bahagi ng Luzon. Ibinida ni Marcos Jr. ang pag-unlad daw ng kakayahan ng pamahalaang tumugon sa kalamidad sa pamamagitan ng nasa 5,500 flood control projects sa bansa na naitayo sa kanyang administrasyon. Ngunit kasabay ng malawakang pagbaha na kumitil sa buhay ng 39 katao at nilugmok ang kabuhayan at kabahayan ng mga mamamayan sa Metro Manila at mga karatig na lugar, isiniwalat din ng bagyo ang kapalpakan ng mga kasalukuyang programa sa paghahanda at pagtugon sa sakuna.
Sa kanyang SONA ngayong taon, binigyang-diin ng Pangulo ang kahandaan ng bansa sa delubyong dala ng mga kalamidad. Kabilang sa mga proyektong inilahad ay ang 100 naitayong evacuation centers, ang paglunsad sa Disaster Response Command Center, at libo-libong inilatag na programa sa pagkontrol at pagbawas ng pagbaha na pinaglaanan ng mahigit P244.57 bilyong piso. Ngunit saan nga ba napunta ang bilyong-bilyong badyet nito kung ang taumbayan ay kaliwa't kanan pa ring sinasalanta ng malubhang pagbaha tuwing may bagyong dumadaan?
Inamin ni Manuel Bonoan, Kalihim ng Department of Public Works and Highways (DPWH), sa isang hearing ng Senado nitong ika-2 ng Agosto na ang sinasabing 5,500 flood control projects ng Pangulo ay pawang panakip-butas lamang sa kakulangan ng sistematiko at komprehensibong flood-control master plan sa bansa. Habang tinuturo naman ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na ang pangunahing salot sa pagbaha ay ang maling pagtapon ng basura ng mga mamamayan.
Higit pa sa kapabayaang ito, hindi tumitigil ang pagpatag at deporestasyon sa bulubundukin ng Sierra Madre na siyang nagsisilbing kalasag ng kalakhang Luzon sa hagupit ng bagyo at habagat. Bukod sa pagkawasak ng likas na yaman ng Sierra Madre, patuloy pa rin ang konstruksiyon ng kontrobersyal na Kaliwa Dam Project sa ilalim ng administrasyong Marcos na hindi lamang sapilitang papalayasin sa minanang lupa ang mga Dumagat-Remontado, kundi inilalagay rin nito sa panganib ang biodiversity ng kalikasan, kabilang ang pagkawasak ng tirahan ng mga hayop at halaman, pagkaubos ng likas na yaman, at pagbabago sa ekosistema. Kaugnay nito, kaakibat ng pangangamkam ng mga lupain sa Sierra Madre ay ang lalong paglala ng klima at mas pinatinding pinsala ng sakuna sa buhay ng mga Pilipino.
Taliwas sa sinasabing kahandaan ng Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) workers noong SONA 2024, ang tinatayang nasa 100 evacuation center na naipatayo sa nagdaang dalawang taon ng administrasyon ay hindi naging sapat upang bigyang-silong ang mga nasalanta at tugunan ang mga pangangailangan ng mga Pilipino. Ang mga datos at anunsiyong nangangako ng pagbabago at kaunlaran ay patuloy na pumapako sa mga Pilipino sa karukhaan at karalitaan, sa harap man ng sakuna o sa kanilang pang-araw-araw.
Madalas man tamaan ng bagyo ang malaking bahagi ng Pilipinas, hindi ito angkop na dahilan upang iasa sa mga pangkaraniwang Pilipino ang kanilang kaligtasan at proteksyon. Gaya na lamang ng mga barangay sa Lungsod ng Marikina, ang inaakala nilang ordinaryong araw ay mabilis na naging bangungot matapos silang mawalan ng mga mahal sa buhay sa isang iglap lamang. Karamihan sa nasalanta ay nahahati sa pagdedesisyon na protektahan ang kanilang kabahayan at ari-arian o isalba ang sariling buhay at ng mag-anak, ngunit sa parehong sitwasyon ay wala silang katiyakan sa kinabukasang naghihintay sa kanila na maaring maging kasing kulimlim ng kalangitan.
Hindi sapat na sabihing natural lamang ang pagkakaroon ng mga sakuna upang igiit na ang kalamidad na naminsala sa mga mamamayan ay hindi maiiwasan at walang dapat maging responsable sa danyos na dulot nito. Madalas makaligtaan na may malaking gampanin ang gobyerno na angkinin ang mga inisyatibong magsasaayos at magpapatatag ng sistemang tutugon sa pangangailangan ng mga mamamayan — hindi sila inihalal upang manood sa mga nakalitaw na kamay sa malalim na baha habang nalulunod ang mga may-ari nito. Dapat malaman ng kasukuluyang administrasyon na ang kanilang kapalpakan ang naglalagay sa mga Pilipino sa kapahamakan.
Sumasalungat ang reyalidad na binulatlat ng epekto ng Super Typhoon Carina sa buhay ng mga pangkaraniwang Pilipino sa magandang imaheng ipinipinta ng nagdaang SONA na puno ng pangako at mabubulaklak na salita. Panlilinlang lamang ang pagdaraos ng SONA kung ang laman nito ay puro pagpapabangong ulat na tumataliwas sa tunay na estado ng bayan, kung saan patuloy pa ring gipit ang masang Pilipino at nananatiling dehado ang mga marhinalisado. Ilusyon lamang ang pag-unlad at progreso kung patuloy na nananatiling sadlak ang mga marhinalisado, kung hindi pa rin nakikilala na mas malaking dagok ang bulok na sistema kaysa delubyong dala ng pananalasa ng kahit ano pang bagyo.