Raining In Criticisms

Matalastas
NI
NINA
Cara Alonso
AT
Nobyembre 11, 2023

Noong ika-24 ng Oktubre, naglabas ng teaser ang sikat na OPM banda na Lola Amour para sa kanilang patok na kantang ‘Raining in Manila’. Subalit, ‘di gaya ng puri at adorasyon na natanggap ng kanta, ang teaser ay nakatanggap ng mga negatibong komento mula sa netizens. Ang teaser ay pinakita ang mga miyembro ng banda na kumakanta habang nakasakay sa isang bangka habang bumabaha sa Maynila. Ilan sa mga netizens ang nagsabi na niro-romanticize nito ang kahirapan at pinupuri ang Filipino resilience na madalas ginagamit upang bigyang-katwiran ang kakulangan ng responsibilidad ng mga namumuno. 

Sa kabila ng kritisismo na natanggap ng teaser pati ng banda, may mga netizens na ipinagtanggol ito. Isang twitter user ang nagsabi na hindi pag-atake sa mga nakatira sa flood-prone areas ang layunin ng music video. Matapos ang paglabas ng official music video ng kanta noong ika-25 ng Oktubre, kinabukasan ay nagbigay ng pahayag ang banda sa X at humingi ng tawad sa mga manunuod dahil sa naging insensitibong presentasyon ng bidyo. Ipinaliwanag ng banda ang tunay na kwento kung saan ang bidang lalaki, si John, ay muling nakaramdam ng koneksyon sa kanyang nawawalang asawa, si Sheila, sa pamamagitan ng isang mahiwagang tuko. Ang tagpuan ng storya ay isang alternatibong mundo kung saan 1,427 na araw nang umuulan. 

Hindi bago ang pagpapakita ng slum areas sa OPM music videos. Isang halimbawa ang ‘Mahal Kong Pilipinas’ ni JMara, ngunit sa halip na makita bilang manhid, mas nagbibigay pag-asa ang tono ng kanta at bidyo. Ang ‘Bayad Ko’ ni Gloc 9 at Noel Cabangon ay halimbawa rin; isa itong kanta na nagbibigay pansin sa mga kuwento ng mga taong nabubuhay sa kahirapan. Ang pagkakaiba ng dalawang music videos na ito kung ikukumpara sa ‘Raining in Manila’ MV ay ang tono at intensyon sa paggamit ng kahirapan bilang tema at paksa. Isa pa, hindi kinailangan ng Lola Amour na isama ang ganitong tema sa pagpresenta ng kanta. Maaaring sabihin na isa itong malikhain at kakaiba na paraan ng paglalarawan ng kanta, ngunit naging makatarungan ba ito? Sa mga music video nina JMara at Gloc9, hindi lamang artistic choice ang paggamit ng slum areas sa bidyo– ito ay kinakailangan na hakbang dahil ang mga kanta mismo ay nais bigyang pansin ang masaklap na realidad ng mga nabubuhay sa kahirapan. 

Ang dapat na itanong ngayon sa madla ay tama nga ba na insensitibo ang tono ng music video? O naging isang biktima lamang ng cancel culture ang Lola Amour para sa wala?

IBa pang artikulo