%20(1).png)
Tuwing Undas, nakikita natin ang pagmamahal sa pamilya,
Ang iba ay siyang umiiyak at nagluluksa,
May iba rin namang may dalang magagarbong bulaklak at kandila.
Bitbit ang mga malinamnam at masasarap na handa,
Magsasama muli ang pamilya– buhay man o patay na.
Sa mga puntod ng kamag-anak, sila’y bumibisita at nagsasama.
Makikita muli ang ibang mga pinsan, tito, tita, lolo, at lola.
Magkukwentuhan at magchichikahan ang mga matatanda
Habang ang mga bata ay siyang paglalaruan ang mga sinindihang kandila.
Tila ba’y isang kasiyahan at pagsasalo kasama ang mga namayapa.
Subalit ang iilan, wala man lang puntod na mapuntahan.
Hindi alam kung buhay pa ba ang kapamilyang hindi malaman kung nasaan.
Dinala raw ng mga pulis na hindi nakauniporme at nakapang-sibilyan.
Dinakip nila, pinilit isama, at ngayon ay hindi na matagpuan.
Ilang taon na ang nakalipas, imbestigasyon ay wala pa ring paroroonan.
Hindi malaman kung sila ba ay buhay pa, patay na o pinahihirapan pa.
Walang katawan na pagluluksaan, walang puntod na mapupuntahan.
Mas mabuti pa nga ang namayapa, nakakapagpahinga at kasalo na ang pamilya
Habang sila, naghihintay na balang araw, dumating na ang hustisya
Kailan kaya, pagkatapos ng isang buwan, isang taon, mahigit isang dekada, o hindi na?