Ang Tunay na Kalaban ng mga Bagong Bayani

Mata Online
NI
NINA
Peter Garnace
AT
Romeo Descalso III

Maraming banta ang nakaamba sa mga bagong bayani o Overseas Filipino Workers (OFW) tulad na lamang ng kaguluhan sa Hongkong at Gitang-Silangan. Patunay ito na walang kasiguraduhan ang kapalaran sa ibayong-dagat. Maraming kuwento ng pagpupunyagi at tagumpay. Mayroon din namang mga kuwento ng hinagpis at pagdurusa sa kamay ng mga banyaga. Taon-taon mayroong ulat ng pagpaslang o pang-aabuso sa mga Pilipinang kasambahay sa ibang bansa. Hindi naman kaya ay panloloko ng mga kababayan nating rekruter sa mga kapwa Pilipino. Masaklap isipin na hindi lamang mga banyaga ang nagpapahirap sa mga OFW kundi maging ang sarili nating mga kababayan.

Sa isang palapag ng gusali ng Overseas Workers Administration Office (OWWA), sa isang pasilyo nakahilera ang mga taong nakaupo sa sahig at nag-aantay na pumasok sa isang silid na legal office ng ahensiya. Dito dumudulog ang mga manggagawang may problema sa kanilang mga trabaho at amo. Kung tinititigan ang mga taong nakaupo sa malamig na marmol, bakas sa kanilang mga mata ang lungkot, pangungulila at kawalan ng pag-asa. Tila may inaantay silang tagapagligtas na lulutas sa mga problema nila. Hanggang sa unahang dako, sa sulok kung saan may isang tumpok ng mga babaeng nakikipag-usap sa isang lalaki. Maluha-luha ang isang babae habang galit na tinatanong ang lalaki kung saan niya dinala ang perang binayad nila. Ngunit depensa ng lalaki na pareho lang din daw silang biktima.

Sa kasalukuyan, marami pa ring mga Pilipino ang nabibiktima ng illegal recruitment na inilalagay ang buhay ng mga OFW sa alanganin. Halimbawa na lamang ang kababayan nating si Mary Jane Veloso na hinatulan ng bitay sa Indonesia dahil sa pagdadala ng droga. Ang kaniyang pagkakaalam ay magtatrabaho lamang siya sa ibang bansa tulad ng napag-usapan nila ng kaniyang rekruter. Ngunit lingid sa kaniyang kaalaman na pagdadalhin pala siya ng ipinagbabawal na gamot na mahigpit na ipinagbabawal sa Indonesia.

Naging malaking usapin din nitong nakaraang taon ang pagkamatay ni Jeanelyn Villavende, isang Pilipinang domestic helper sa Kuwait na minaltrato at pinatay ng kanyang mga amo. Ayon sa ulat ng Department of Labor and Employment (DOLE), paulit-ulit na humingi ng tulong sa kaniyang recruitment agency si Villavende ngunit ni isang pakiusap hay hindi nito inaksyonan. Nais na sana niyang umuwi dahil hindi sapat ang sahod at lagi siyang binubugbog ng kaniyang mga amo, ngunit siya ay isang malamig na bangkay at punong-puno ng pasa sa katawan nang makauwi sa kaniyang pamilya sa Pilipinas. Ang pangyayaring ito ang nagtulak sa pamahalaan ng Pilipinas upang magkaroon ng partial deployment ban sa Kuwait para sa mga domestic helper.

Ngayon, mayroong humigit-kumilang 10 milyong Pilipino ang naninirahan o naghahanap-buhay sa ibayong-dagat. Nagsimula ang exodus o ang bata-batalyong migrasyon ng manggagawang Pilipino palabas ng bansa noong dekada ’70, panahon ng rehimeng Marcos. Dahil bagsak ang ekonomiya, naging pangunahing makroekonomikong polisiya ng estado upang maibsan ang kawalan ng trabaho sa Pilipinas ay ang pagpapadala ng mga Pilipino sa Gitnang-Silangang Asya. Ang pagkakaroon ng OFW ay ang penomenang nag-ahon sa papalubog na ekonomiya ng Pilipinas at ang kasalukuyang nagpapanatiling nakaangat dito. Malaking bahagi kung bakit patuloy na masigla ang ekonomiya ng bansa ay dahil sa mga remittances na ipinapadala ng mga kababayan nating OFW. Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, tinatayanag nagkakahalaga ng 1.6 trilyong piso o mahigit sampung porsyento ng GDP taon-taon ang halaga ng mga remittances na ito.

Ayon sa huling tala ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA), sa paglipas ng mga taon ay patuloy na dumarami ang bilang ng mga Pilipinong nagnanais na magtrabaho sa ibang bansa sa halip na maghanap-buhay sa Pilipinas. Malaking suliranin ito sa pag-unlad ng Pilipinas sapagkat may isang henerasyon ng mga Pilipino ang lumalaki nang hindi kapiling ang isa o ang pareho niyang mga magulang. Isa pang suliraning ibinubunga nito ay ang tinatawag na brain drain dahil sa migrasyon ng maraming skilled workers. Samakatuwid, ibang bansa ang nakikinabang sa husay at talento ng mga manggagawang Pilipino.  Sa kabila ng papel na ginagampanan sa ekonomiya ng mga OFWs, ano ang pagpapahalaga sa kanila ng estado? Ano ang pagpapahalaga sa kanila ng kanilang kababayan at pamilyang naiwan? Maaari ngang ang tunay na kalaban ng ating mga bayani ay ang ating sarili.

Mula sa Matanglawin Tomo XLIV Blg. 1: Paghawan ng mga pakiwari

Maaring basahin ang buong isyu rito.

IBa pang artikulo