Sa karimlan ng bulubulurang tsokolate’y isang pusok ang tinapik,
Naturingang papuri noong simula, inulan ngayon ng batikos at bagsik,
Nagbunsod ng lagim sa kalikasan at nagdulot ng paghihimagsik,
Ngayo’y pangamba ng bayan ang pang-aalipusta ng resort na sumiksik.
Resort na dapat ay lagakan ng saya’y nabalot ng dilim,
Kahit mga tarsier na tahana’y ang bulubulurang binalot ng takipsilim,
Samu’t saring establisimyento pala ang operasyo’y lumilihim,
Ngayo’y ang Inang Kalikasan ang pinagkaitan ng luha sa lilim.
Sa pagtindig ng resort na ito’y kinwestyon ng tao ang pamahalaan,
Ni permiso ng resort nga’y diumano’y paso na sa kinauukulan,
Kaakibat ng konstruksyon ay ang pagpapakalbo ng buluran,
Sigaw ng tao’y hustisya sa kalikasa’y nawawala’t nasaan.
Namulat sa bagsik ng pusok sa pusod ng tsokolateng buluburan,
Mahika ng anyong sa ulan ay kayumanggi’t sa araw ay luntian,
Ngunit sa pagsibol ng bagong hamak sa itong kalikasan,
Sama-sama nating isalba ang buluburan mula sa kapahamakan.
Ngayon, ang mahestikong anyong-lupain ay nasasakal at pawa,
Bakit nga ba pinayagan sa bungad ang operasyong katawa-tawa,
Sigaw ngayon ng mga enbiromentalista’y ingatang kalikasan nawa,
Nang sa pusod ng tsokolate ay mawala ang pusok na malaswa.