“Separation” Daw ng Church and State? Tahasang Pagdakip kay Pura Luka Vega

Mata Online
NI
NINA
Nate Mercado
AT
Neil Ocampo at Reine Brioso
Oktubre 31, 2023

Nitong ika-5 ng Oktubre 2023, inaresto ang drag artist na si Pura Luka Vega sa kanyang tahanan sa Maynila matapos ang kontrobersiyal na pagganap sa ‘Ama Namin’ remixed version noong Hulyo. Naganap ito matapos ang mga banta ng kamatayan, pahayag mula sa mga Obispo at mga Kristiyanong grupo tulad ng Philippines for Jesus Movement (PJM) at Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP), at deklarasyon ng Persona Non Grata mula sa iba't ibang pamahalaang lungsod. Sinundan din ito ng banta mula kina Senate President Miguel Zubiri, Senate Majority Leader Joel Villanueva, at Senator Win Gatchalian kung saan kanilang inilabas ang pagkagalit sa pagganap ni Pura na sumayaw at kumanta habang naka-drag sa imahe ni Hesus.

Inireklamo ng maraming grupo ang pag-aresto dahil ito ay paglabag sa karapatan at kalayaang magsalita ng indibidwal. Ito rin ay itinuturing na pawang pagpapakita ng kapangyarihan o ‘powertripping’ mula sa matataas na lider ng simbahan maging ang mga homophobic na pulitiko na hindi lamang tradisyunal ang uri ng pamumuno kun’di ang kaisipan at paniniwala. "Maaaring maka-offend ang performance ni Vega sa iba, ngunit ito ay protektadong pagsasalita ayon sa pandaigdigang batas sa karapatang pantao," paliwanag ni Ryan Thoreson, isang dalubhasa sa Human Rights Watch's Lesbian, Gay, Bisexual and Transgender Rights Program. "Kasama sa kalayaan sa pagsasalita ang artistikong pagsasalita na nag-o-offend, nagsa-satirize, o nag-challenge ng mga paniniwala sa relihiyon." Sinabi rin ng UP Babaylan sa isang pahayag na "Ginagamit ng drag performance ni Pura Luka Vega ang Philippines for Jesus Movement (PJM), na sinusuportahan ng mga Villanueva, para mapakinabangan ang mga Pilipinong may pananampalataya sa pagpapalaganap ng peligroso, umuurong, at hindi magandang anti-drag rhetoric."

Ang pag-aresto ay naganap sa konteksto kung saan hindi pa naisasabatas ang SOGIE bill dahil na rin sa patuloy na pagharang ni Villanueva sa senado. Dahil dito, ang komunidad ng LGBTQIA+ ay wala pa ring legal na proteksyon laban sa diskriminasyon kung saan ang sektor ay hindi nakatatamasa ng parehong karapatan at pribilehiyo gaya ng mga heterosekswal at cisgendered na indibidwal. Habang ginigipit ng Simbahan, relihiyosong grupo, at mga pulitiko si Pura, hindi ganito ang trato sa mga heterosekswal na gumawa ng sinasabing ‘paglapastangan’ sa Kristiyanismo. Si dating pangulong Rodrigo Duterte, halimbawa, ay may mga pahayag na tinawag ang Santo Papa na "son of a wh*re" at sinabing tanga ang Diyos. Sa kabila nito, hindi ito sinita ng mga pulitiko at walang kasong isinampa laban sa pangulo. Si Senator Joel Villanueva ay mabait pang nagsabi na "ipagdarasal niya ang presidente," habang nanatiling tahimik ang iba tulad ni Migz Zubiri.

Kahit pansamantalang nakalaya si Pura Luka Vega sa tulong ng mga donasyon mula sa kanyang mga tagasuporta at grassroots volunteers, may malaking alinlangan kung makararaos siya sa sistemang pangkatarungan kung saan nakapukol na sa kasaysayan ang kultura ng diskriminasyon sa LGBTQIA+ community. Marami pa ring kumbensyunal na disposisyon ang nagsusulong ng interes ng Simbahan at naghaharing-uring makapangyarihan.

Ang insidente ay nagdala ng nakapanlalamig na epekto sa komunidad ng drag at LGBTQIA+ kung saan tila ipinararating ng gobyerno na wala silang lehitimong karapatan sa pagpapahayag ng sarili sa isang lipunan na pinamumunuan ng mga tradisyunal na kawani ng pamahalaan at Simbahan. Nagtataguyod din ng baluktot na mensahe ang pag-aresto sa mga grupong minorya na hindi nito maaaring isabuhay ang sariling pananampalataya at interpretasyon ng Kristiyanismo sapagkat ito ay tahasang sumasalungat sa paniniwala at doktrina ng simbahang Katolika. Ito ang dahilan kung bakit hanggang sa kasalukuyan ay nakabinbin pa rin ang mithiin ng LGBTQIA+ sa pagkakaroon ng lipunan na hindi lamang tumatanggap sa kanilang identidad kun’di nagbibigay pagpapahalaga sa dignidad at proteksyon sa malayang ekspresyon. Samakatuwid, ito ay isang kongkretong manipestasyon na sa kabila ng mga adbokasiyang nagsusulong ng karapatan ng LGBT, malayo pa rin ang krusadang lalakbayin ng komunidad upang tuluyang makamit ang isang gobyerno at lipunang makatao.

IBa pang artikulo